MANILA, Philippines – MULING nagningning ang isa sa pinakamatandang gusali sa Maynila matapos pangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasama si Vice Mayor Chi Atienza ang ceremonial lighting ng restored facade ng makasaysayang Juan Luna Building sa Binondo nitong Huwebes ng gabi.
Nabatid kay Domagoso na dating kilala bilang First National City Bank of New York Building at kalaunan ay Ayala Building, itinayo ito noong 1922 at isa sa iilang natitirang gusaling American-era sa dating sentrong pinansyal ng lungsod.
“Mula sa dilim, muling nagniningning ang Juan Luna Building!” pahayag ni Domagoso habang pinasisinayaan ang pag-iilaw sa limang palapag na estruktura.
Ayon sa alkalde, sa tulong ng mga pribadong partner na patuloy na nagtitiwala sa Pamahalaang Lungsod, sisikapin nilang buhayin at pagandahin ang iba pang makasaysayang gusali sa Maynila.
Hinimok din ni Yorme Isko ang mga may-ari ng heritage buildings sa Binondo—kabilang ang El Hogar Building—na makipag-ugnayan sa City Hall upang mapailawan din ang kanilang mga gusali at maipakita ang ganda nito sa gabi.
Matatagpuan ang Juan Luna Building sa kanto ng Juan Luna Street at Muelle de la Industria, na dating puso ng kalakalan at bangko noong panahon ng Amerikano.
Dinisenyo ito ng American architects na sina Murphy, McGill, at Hamlin sa estilong Beaux-Arts at Neoclassical, kaya tampok ang matatayog na haligi at arched openings na simbolo noon ng tibay at katatagan.
Unang binuksan noong Nobyembre 13, 1922 bilang Pacific Commercial Company Building, naging tanggapan din ito ng First National City Bank of New York noong dekada ’30 at ’40—panahong ang Binondo at Escolta ang sentro ng negosyo sa bansa.
Sa paglipas ng panahon, ilang beses itong na-renovate, kabilang ang malaking pagsasaayos noong 2007. Noong Mayo 2018, nasunog ang ilang bahagi ng gusali matapos madamay sa sunog mula sa katabing establisimyento.
Ngayon, muling nakatindig at nagniningning ang Juan Luna Building—patunay sa makulay na kasaysayan ng Maynila at sa panawagan ng lungsod na buhayin ang dating sigla ng Binondo at Escolta bilang sentro ng negosyo at kultura. JAY Reyes