SA loob ng maraming taon, ang pangingibang-bansa ay naging pangunahing paraan ng maraming Pilipino upang mabigyan ng maayos na buhay ang kanilang pamilya.
Ngunit hindi dapat ito ang tanging pagpipilian. Ang tunay na layunin ng isang maunlad na bansa ay ang mabigyan ng sapat na oportunidad ang mamamayan nito sa loob mismo ng sariling bayan.
Hindi na kailangan ng isang seaman na sumakay muli sa barko at magtiis sa pangungulila at umasa na maging ligtas sila kahit hinahagupit sila ng sama ng panahon sa gitna ng dagat. Ganoon din ang mga kababaihan na napipilitang bumalik kahit maghapong maglinis ng bahay at magkuskos ng kubeta para may maitustos sa pangangailangan ng pamilya
May trabaho man dito sa ating bansa ngunit hindi sapat ang kinikita kaya kinakailangan ay may sapat seguridad, at benepisyo. Kapag ang sahod sa Pilipinas ay naging sapat sa bawat pamilya, hindi na nila kailangang lumayo pa.
Dapat seryosohin ang reintegration ng mga umuwing OFW. Hindi sila dapat magsimulang muli na parang walang karanasan. Kung may malinaw na landas tungo sa trabaho o negosyo, mas pipiliin nilang manatili kaysa umalis muli.
Maraming OFW ang nagtayo ng sariling kabuhayan, ngunit madalas silang nahahadlangan ng mabagal na proseso, kakulangan sa puhunan, at komplikadong regulasyon. Kung magiging simple at suportado ang sistema, mas maraming negosyo ang sisibol—at mas maraming trabaho ang malilikha.
Tiyakin ang matibay na social protection— serbisyong pangkalusugan, maayos na pabahay, at sapat na seguridad para sa pamilya. Kapag panatag ang buhay sa sariling bansa, nababawasan ang pangangailangang mangibang-bansa.
At higit sa lahat, paunlarin ang mga rehiyon. Hindi dapat sa iilang lungsod lamang nakasentro ang oportunidad. Kapag may trabaho at maayos na kabuhayan sa probinsya, hindi na kailangang lumuwas—lalo na mangibang-bansa.
Sa huli, hindi masama ang mangibang-bansa kung ito kinakailangan at makabubuti. Ngunit kung ito ay nagiging sapilitan dahil kulang ang oportunidad sa sariling bayan, malinaw na may kailangang baguhin para sa kinabukasan.
Ang tunay na tagumpay ng bansa ay hindi nasusukat sa dami ng mamamayang nagtatrabaho sa ibang bansa, kundi sa dami ng may kakayahang manatili—at umunlad—sa sariling lupain.






