Home TOP STORIES Abogado, 18 ex-Marines lumantad sa male-maletang pera; Marcos Jr., Romualdez, at Co...

Abogado, 18 ex-Marines lumantad sa male-maletang pera; Marcos Jr., Romualdez, at Co pinangalanan

431
0

SAN JUAN CITY — Lumantad ang labingwalong dating miyembro ng Philippine Marines kasama ang abogadong si Levi Baligod upang kumpirmahin ang mga naunang pahayag ni dating Master Sergeant Orly Guteza kaugnay ng umano’y paghahatid ng mga maleta ng pera na iniuugnay sa mga proyektong flood control.

Sa isang press conference sa Club Filipino, sinabi ni Baligod na ang mga dating sundalo ay dati umanong kasamahan ni Guteza, na nagsilbi bilang security personnel ni dating kongresista na si Zaldy Co.

“Ngayon po ay lumabas ang mga dating kasamahan ni master sergeant Orly Guteza sa trabaho bilang security consultant o security personal ni dating congressman Zaldy S. Co.”

“Ang mga sundalong ito ay wala na sa serbisyo, ngunit ang nasabi nila sa akin, ito ang marahil na huling labanan na kanilang papasukin. At gusto nilang magpaka-sundalo sa ating bayan,” dagdag pa ni Baligod.

Nauna nang naging testigo si Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kung saan sinabi niyang naghatid siya ng mga “luggages of cash” sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.

Sa naturang press conference, inilahad din ni Baligod ang kanyang alegasyon kaugnay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker na si Rep. Martin Romualdez.

“Ang ugat at pinuno ng pagnanakaw sa ating bayan ay walang iba kundi si President Marcos, at hindi gagalaw si [dating] Speaker [Martin] Romualdez at si Zaldy Co na walang pahintulot kay PBBM (President Bongbong Marcos),” ani Baligod.

Sinabi rin ni Baligod na batay sa mga impormasyong ibinahagi sa kanya, ang mga delivery umano ng maleta ay nauugnay sa mga pondong galing sa flood control projects.

Bukod dito, nauna nang sinabi ni Guteza na nagdala siya ng 46 maleta ng pera kina Romualdez at Co.

Ayon pa kay Baligod, may mga pagkakataon umanong ginamit ang pribadong eroplano na iniuugnay kay Co sa paghahatid ng pera, at may mga lugar na binanggit kung saan umano dinala ang mga maleta, kabilang ang Forbes Park sa Makati at Paoay, Ilocos Norte.

Nagpakita rin ang kampo ni Baligod ng mga larawan ng mga maleta na anila’y ginamit sa mga naturang delivery.

Sa kasalukuyan, ang mga pahayag na ito ay bahagi ng mga alegasyon na inilabas sa press conference at sa mga naunang pagdinig ng Senado. Wala pang inilalabas na pinal na desisyon ang anumang hukuman kaugnay ng mga isyung ito.

Wala pa ring inilabas na opisyal na pahayag sa ulat na ito mula kina Pangulong Marcos, Romualdez, at Co bilang tugon sa mga nabanggit na alegasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here