MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) Calabarzon ang operasyon sa Phase 5 ng sanitary landfill sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, matapos ang trash slide na ikinasawi ng isang tao at nag-iwan ng dalawang nawawala.
Naglabas ang ahensya ng cease-and-desist order laban sa landfill operator na Green Leap Solid Waste Management, Inc. na sumasaklaw sa anim na ektaryang Phase 5 area kung saan naganap ang insidente noong Pebrero 20. Ayon sa mga imbestigador, tinatayang 420,000 cubic meters ng basura ang gumuho mula sa active tipping area at umano’y tumabon sa tatlong heavy equipment units.
“A follow-up investigation on 23 February 2026 revealed several operational lapses, erosion of the active tipping area, foul odor from exposed waste, and a visible crack in the adjacent bench waste that threatens further collapse,” ayon sa DENR.
“Multiple violations of conditions in the proponent’s Environmental Compliance Certificate (ECC) were also documented.”
Iniutos ng DENR-EMB ang agarang pagtigil ng lahat ng operasyon sa Phase 5, maliban sa emergency at remedial activities tulad ng retrieval operations, slope stabilization, debris clearing, at engineering measures upang maiwasan ang karagdagang pagguho. Nagpatupad din ang mga awtoridad ng no-entry policy sa apektadong lugar.
Sinabi ni DENR Calabarzon Regional Executive Director Nilo Tamoria na layunin ng ahensya na patatagin ang lugar at papanagutin ang operator.
“We will not tolerate negligence that puts the environment and public safety at risk,” ani Tamoria.
Inatasan din ang kumpanya na ilipat ang waste disposal operations sa mas ligtas na bahagi ng pasilidad at magsumite ng corrective action report sa loob ng limang araw bago ang technical conference. Maaaring magsagawa ng legal action ang EMB kung hindi ito susunod.
Patuloy namang imo-monitor ng DENR-EMB ang rehabilitation at slope stabilization sa lugar upang matiyak ang pagsunod sa environmental standards. Santi Celario