MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 27-anyos na bride-to-be habang nasugatan ang kanyang fiancé sa banggaan ng motorsiklo at kotse bago magmadaling-araw noong Pebrero 21 sa Barangay 6, Calamba City, Laguna, dalawang buwan bago ang kanilang nakatakdang kasal.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Crislyn Paro, na sakay ng motorsiklo kasama ang kanyang fiancé na si Miguel Ocampo, 26, nang mabangga sila ng puting Toyota Wigo na minamaneho ni Jebson Calderon, 32.
Ayon sa mga imbestigador, umano’y tumawid ang kotse sa intersection ng isang one-way street na naging sanhi ng aksidente.
Tumilapon sa kalsada sina Paro at Ocampo at kapwa nagtamo ng kritikal na pinsala. Dinala sila sa magkahiwalay na ospital, ngunit idineklarang patay si Paro dahil sa traumatic brain injury, habang nakaligtas si Ocampo na may mga sugat.
Ayon sa pamilya ng biktima, nakumpleto na ni Paro ang mga paghahanda para sa kanilang kasal sa Abril 21, kabilang ang venue.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Calderon at sasailalim sa alcohol test. Haharap siya sa kaukulang kaso kaugnay ng insidente, ayon sa mga awtoridad. Mary Anne Sapico