MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na wala pang pangangailangang itaas ang alert status ng Mayon Volcano mula Alert Level 3 patungong Alert Level 4 sa kabila ng patuloy na aktibidad nito.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, wala pang malinaw na indikasyon ng nalalapit na hazardous eruption batay sa kasalukuyang monitoring.
“As of now, there’s no clear indication that we need to raise its alert level. This will only be raised if there’s a clear escalation in monitoring parameters,” ani Bacolcol.
Dagdag niya, normal pa rin ang ash emission sa ilalim ng kasalukuyang antas ng unrest. Binabantayan ng Phivolcs ang mga senyales tulad ng mas madalas at mas malalaking pyroclastic density currents (PDCs), na mas makapal, mas mabilis, mas mainit, at mas malayo ang naaabot.
Nagbuga ng abo ang Mayon Volcano alas-1:50 ng hapon noong Martes, na lumikha ng kulay abong plume na umabot sa 1,000 metro mula sa crater.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang Phivolcs ng 305 rockfall events, 20 PDCs, apat na volcanic earthquakes, at lava flow sa Basud, Bonga, at Misi gullies. Umabot din sa 3,891 tonelada ang sulfur dioxide emission noong Pebrero 23.
Nananatili ang Mayon sa Alert Level 3, at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone dahil sa panganib ng lava flow, rockfall, at iba pang volcanic hazards. Santi Celario