MANILA, Philippines – Inendorso ng isang komite ng Senado ang consolidated bill na nagbabawal sa political dynasties hanggang second degree of consanguinity o affinity, na naglalayong pigilan ang magkakamag-anak na sabay o sunod-sunod na humawak ng national o local elective posts.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, saklaw ng panukala ang mga magulang, anak, kapatid, at asawa.
Aniya, ito ay isang praktikal na hakbang upang ipatupad ang utos ng 1987 Constitution laban sa political dynasties.
“The 1987 Constitution declares that the State shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may be defined by law… and yet, for nearly forty years, that constitutional command has remained unfulfilled,” ani Hontiveros.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1901 at Committee Report No. 33, ipinagbabawal ang mga kamag-anak hanggang second degree na humawak ng elective posts sa parehong hurisdiksyon, kabilang ang party-list positions.
Inaatasan din ang mga kandidato at nominees na magsumite ng sworn certifications na hindi sila bahagi ng ipinagbabawal na political dynasty.
May kapangyarihan ang Commission on Elections na kanselahin ang certificates of candidacy at magpatupad ng parusa sa mga lalabag.
Sinabi ni Hontiveros na nilimitahan sa second degree ang pagbabawal batay sa isyu ng enforceability na binanggit ng Commission on Elections.
“We listened to the Commission on Elections… enforceability is essential. That is why this bill limits the prohibition to relatives within the second degree,” ani niya.
Kinilala rin niya na hindi perpekto ang panukala ngunit mahalagang hakbang ito sa reporma.
“Hindi ito perpekto. Ngunit ito ay posible. At ito ay makabuluhan,” ani Hontiveros. “Then again, foundation siya for future amendment.”
Nagpahayag naman ng suporta si Senate President Vicente Sotto III at tinawag itong mas praktikal na panukala.
“Puwede, okay. ‘Yun naman talaga ang original na suggestion, 2nd degree of consanguinity,” ani Sotto. “Siguro. Mas madali ‘yun.”
Tinawag ni Senator JV Ejercito na makasaysayan at matagal nang inaasahang hakbang ang panukala, at binigyang-diin ang datos na karamihan ng mga probinsya ay pinamumunuan pa rin ng political families.
“When public office becomes a family heirloom, the ‘public’ part of the office begins to disappear,” ani Ejercito.
Magkakabisa ang panukala sa susunod na halalan at papayagan ang mga kasalukuyang opisyal na tapusin ang kanilang termino. RNT