MANILA, Philippines – Pinayuhan ng isang mambabatas ang oposisyon na umiwas sa pakikipag-ugnayan sa administrasyon habang naghahanda para sa 2028 national elections.
Ayon kay Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice, dapat iwasan ng oposisyon ang pagkakadikit sa mga alegasyon ng korapsyon laban sa administrasyon.
“Dapat magkaisa kaming oposisyon na labanan silang dalawa [Marcos and Duterte]. Kung sasama kami sa administrasyon, eh di kasama kami sa korapsyon. Nakakadiri,” ani Erice sa isang chance interview.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bahagi ng public service ang kanyang pagbisita sa Naga City, kasunod ng mga usap-usapan na posibleng tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 si dating bise presidente at Naga City Mayor Leni Robredo. Ang pagpupulong nina Marcos at Robredo ay naganap matapos ianunsyo ni Vice President Sara Duterte ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo.
Nagbabala si Erice na maaaring humina ang posisyon ng oposisyon kung makikipag-ugnayan ito sa administrasyon.
“Dapat paghandaan muna ng opposition na ‘wag kaming sasama sa administration. kapag sumama kami sa administration, ang magiging opposition ay si Vice President Sara. Eh dapat sila ang magkasama [ni Marcos], sila ang gumawa ng gulo,” ani Erice.
Nang tanungin kung sino ang posibleng maging standard-bearer ng oposisyon sa 2028, sinabi ni Erice na nananatiling pinakamalakas na kandidato si Robredo.
“Sa tingin si Vice President Leni pa rin ang pinakamalakas na kandidato ng oposisyon, wag lang didikit sa Marcos.” RNT