Home HOME BANNER STORY ICC bigong patunayang may EJK sa buong Pinas sa ‘war on drugs’...

ICC bigong patunayang may EJK sa buong Pinas sa ‘war on drugs’ – Kaufman

148
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na nabigo ang prosekusyon na patunayang ang umano’y extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng war on drugs ay nakatuon sa buong populasyon ng Pilipinas.

Sa confirmation of charges proceedings, binanggit ng lead counsel na si Nicholas Kaufman ang desisyon ng ICC noong 2024 na naghatol kay Al Hassan Ag Abdoul Aziz ng Mali para sa crimes against humanity. Ayon sa kanya, dapat mapatunayan ng prosekusyon na ang mga umano’y pag-atake ay hindi nakatuon lamang sa “limited, randomly selected group of Filipinos.”

Sinabi ni Kaufman na “rushed” ang aplikasyon para sa pag-aresto kay Duterte noong Pebrero 2025 at inilalarawan ang pag-atake bilang nakatuon sa buong populasyon. Aniya, ang mga umano’y drug pushers at kriminal ay may “objectively, discernible characteristics” at maaaring ituring na isang “defined subgroup” ng mga sibilyan.

Tinukoy niya ang paragraph 149 ng Al Hassan ruling at iginiit na kung ang pag-atake ay nakaapekto lamang sa maliit at random na grupo, hindi ito papasok sa pamantayan ng crimes against humanity. “Let us ask ourselves whether the alleged attacks at this case is directed to the whole population or subjectively defined subgroup of perceived alleged criminal offenders?” aniya.

Batay sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency, may 5,281 ang nasawi sa anti-drug operations mula 2016 hanggang 2019. Ayon kay Kaufman, hindi napatunayang karamihan sa mga ito ay labag sa batas. “In comparison to numbers of arrest and operations conducted, the number of deaths are minimal,” aniya, sabay lahad na 97 porsyento ng drug personalities ay naaresto at 3 porsyento ang nasawi.

Kaugnay ng mga talumpati ni Duterte na iniuugnay ng prosekusyon sa mga pagpatay, sinabi ni Kaufman na hindi isinama ang mga bahagi kung saan binanggit ng dating pangulo na makatarungan lamang ang pagpatay kung ito ay para sa self-defense. “I repeat, again for all, and for everybody’s consumption. Do not kill if you are not in danger of losing your life,” aniya, na inilahad umanong sinabi ni Duterte noong Agosto 2016.

Iginiit din ni Kaufman na ang mga talumpati ni Duterte ay may “hyperbole” at hindi sapat upang patunayan ang criminal intent o individual responsibility. “There is a requirement…. The prosecution has to show which one of Duterte’s statement orders or commands, or given to specific individuals, who then went out, pulled the trigger, or communicated the command to someone else who also went out, [led to the] killing of 1 of 78 identified victims,” aniya, at idinagdag na ito ang “classical way to prove a clausal link” sa pagitan ng mga pahayag ni Duterte at ng mga pagkamatay.

Ayon sa kanya, hindi ito nagawa ng prosekusyon at kinuwestiyon din ang saklaw ng pagiging “indirect co-perpetrator.” Upang mapatunayan ang co-perpetration, kailangan umanong mayroong common plan na may criminal element na pinagkasunduan ng suspek at ng kanyang mga umano’y kasabwat.

Dagdag pa ni Kaufman, hindi dapat managot si Duterte kung may ilang sibilyan na umunawa sa salitang “to neutralize” bilang “to murder” o “to kill.”

Nauna nang sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber I na may reasonable grounds upang paniwalaang si Duterte ay indibidwal na responsable bilang “indirect co-perpetrator” sa crime against humanity of murder na umano’y naganap sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here