MANILA, Philippines – Inalis na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa usapan ang planong pag-ban sa Telegram sa Pilipinas matapos makabuo ng kasunduan ang ahensya at ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) kasama ang kinatawan ng messaging platform.
Sa isang Facebook post, sinabi ng DICT na nabuo ang kasunduan matapos ang pulong nila sa mga kinatawan ng Telegram na sina Ronak Singh at Abhimanyu Yadav. Layunin ng kasunduan na matiyak ang mas ligtas na digital space.
Sa ilalim ng napagkasunduan, magpapatupad ang Telegram ng 24/7 helpdesk response para sa agarang aksyon sa iniulat na illegal content, magsusumite ng buwanang ulat ng takedowns at iba pang metrics sa DICT at CICC, at magpapatupad ng zero tolerance laban sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC), illegal gambling, at iba pang mapang-abusong aktibidad.
Mas maaga ngayong linggo, nagbanta ang DICT na posibleng i-ban ang Telegram dahil sa patuloy na paglaganap ng OSAEC, illegal gambling, at financial fraud sa platform.
Ang Telegram ay isang cloud-based at encrypted messaging app na itinatag noong 2013 ng Russian entrepreneur na si Pavel Durov. Kilala ito sa pagbibigay-diin sa privacy at security, ngunit dahil sa encryption at minimal content moderation, nagiging daan din umano ito para sa ilang ilegal na gawain tulad ng scam at child exploitation.
Noong 2024, iniulat na inaresto si Durov sa France kaugnay ng umano’y criminal activities na may kaugnayan sa app, kabilang ang child pornography, drug trafficking, at financial fraud. Dave Baluyot