Home NATIONWIDE Compound pinasok, 3 minasaker sa Nueva Ecija

Compound pinasok, 3 minasaker sa Nueva Ecija

199
0

MANILA, Philippines – Bangkay na nang matagpuan ang tatlo katao, kabilang ang isang babae at isang 82-anyos na lolo, sa loob ng kanilang compound sa Purok 4, Barangay Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Romulo Sangalang y Jimenez, 82, negosyante, residente ng Barangay San Francisco, Mabalacat, Pampanga, Theodore Sangalang y Jimenez, driver, residente Brgy. Sasabay, Guimba, Nueva, Ecija at Rose Yuzon, residente ng Brgy. Baloc, Nueva, Ecija.

Ayon sa pulisya, sa hitsura ng mga biktima, lalo ang 82-anyos na lolo, ay makikitang matindi ang pinagdaanan muna nilang hirap sa kamay ng mga salarin bago tuluyang pinaslang.

Bukod sa nakahandusay sa sahig ang matanda, may mga tama ng bala ng baril sa ulo, nasasakal ng alambre sa leeg at nakagapos ang kanyang mga kamay.

Ang kanyang kaanak na nagsisilbi niyang driver ay nakasalampak, nakagapos ang mga kamay, may tama ng bala ng baril sa ulo, katawan at naiwan pang nakatusok sa kanyang batok ang isang kutsilyo.

Ang babae naman na may mga tama ng bala sa katawan ay natagpuan sa loob ng container van na kanyang tinutulugan.

Nagkalat din ang mga gamit ng mga biktima at dokumento sa loob ng container van at maging ang sasakyan na pag-aari ni Romulo ay nakabukas ang mga pintuan.

Ayon sa mga residente na malapit sa lugar, nakarinig sila ng ilang putok ng baril mula sa compound kung saan natagpuang patay ang mga biktima.

Pero dahil malayo ito sa kalsada at nasa gitnang bukid ay hindi na nila ito gaanong binigyang pansin.

Dahil dito, nagulat na lamang sila nang malamang may natagpuang patay sa loob ng compound.

Ang matandang si Romulo ang sinasabing may-ari ng lupa at siya ay padalaw-dalaw lamang sa lugar.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga awtoridad ukol sa insidente dahil patuloy pa anila ang kanilang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Sinisiyasat na rin ang posibleng motibo sa pamamaslang sa mga biktima. MARINA BERNARDINO-SY

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here