Home OPINION TIWALA NG PUBLIKO SA KAMARA UNTI-UNTING NAWAWALA

TIWALA NG PUBLIKO SA KAMARA UNTI-UNTING NAWAWALA

156
0

PATULOY na lumalala ang pagkawala ng tiwala ng maraming mamamayan sa Senado at Mababang Kapulungan ng KOngreso dahil sa tila kakulangan ng mga mambabatas sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa serbisyo publiko.

Malaki ang kaibahan ng mga mambabatas sa kasalukuyan kumpara sa mga naunang henerasyon, kung saan ang mga nakaraang opisyal ay may mataas na antas ng delicadeza at kusang nagsasagawa ng imbestigasyon upang linisin ang kanilang pangalan kapag pinaghihinalaan o nasasangkot sa katiwalian.

Sa kasalukuyan, kahit may mga konkretong ebidensya laban sa ilan sa mga mambabatas, madalas ay itinatanggi nila ang mga paratang at hindi na nagsasagawa ng karagdagang hakbang upang tugunan ang mga isyu. Sa halip, nais na lamang nilang malimutan ang mga ito.

Nakababahala rin ang mga insidente kung saan ang ilang opisyal ay nagmamalinis at gumagawa ng mga hakbang upang ilihis ang usapin, kabilang na ang pagbibintang o pagpaparusa sa mga kritiko sa halip na harapin ang mga alegasyon.

May mga pagkakataon na ang mga maliit na pagkakamali ng mga kapwa nila mambabatas na nasa kabilang bakod o tinatawag na oposisyon ay pinararatangan ng mabibigat na parusa tulad ng suspensyon o reprimand, samantalang ang mga sangkot sa korapsyon ay hindi napaparusahan.

Isang halimbawa ng ganitong sitwasyon ang pag-amin ng 18 “Maleta soldiers” bago ang ika-40 anibersaryo ng People Power, na nagpapatunay sa pahayag ni Marine Sgt. Orly Guteza na maraming opisyal ng pamahalaan ang tumatanggap ng maleta ng pera.

Bagamat hindi formal na pirmado o notaryado ang mga pahayag, nararapat lamang na magsagawa ang Kongreso at Ombudsman ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan.

Ang pagsasagawa ng ganitong imbestigasyon ay magpapatunay na walang double standard sa kasalukuyang administrasyong. Sa halip, ang ipinakikita ay tila may pagtatakip sa pagitan ng mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan, na nagmumungkahi na sila ay nakikinabang mula sa kanilang mga posisyon.

Dapat sana ay nagkaroon na ng agarang imbestigasyon at paglilitis laban sa mga sangkot sa anomalya at paglustay ng pondo ng bayan. Sa halip, nauwi lamang sa pag-aresto sa mga testigo habang ang mga pangunahing suspek ay patuloy na nagtatamasa ng kanilang mga posisyon.

Ang sitwasyong ito ay nagdudulot ng malalim na pagdududa sa ipinangakong “Bagong Pilipinas” at nagpapakita ng patuloy na kawalan ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.

********

FIRE prevention month na kaya naman dapat ay maging maingat ang lahat upang maiwasan ang pinakamapinsalang aksidente na may ilang pagkakataon na sinasabing nauwi sa trahedya.

Pero mas dapat ang pamahalaan ay maging maingat sa apoy ng damdamin ng mamamayan sapagkat nakasalalay sa taumbayan ang kanilang kapalaran.

Ngayon pa lang magbago na ang mga ito ay maging maayos na dapat ang serbisyo nila sa taumbayan.

**************

Kasabay ng Fire Prevention Month ang buwan para sa mga kababaihan — WOMEN’S MONTH. Kaya naman, ibangon ang dangal ng mga babae sa pamahalaan. Ang mga mambabatas na babae dapat ay tumayo upang magkaroon ng imbestigasyon sa mga akusasyon na sumisira ng imahe at pangalan ng mga opisyal ng pamahalaan. Mauna ang mga babaeng senador at kongresista na maghain ng mosyon para sa imbestigasyon. HAPPY WOMEN’S MONTH….

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here