MANILA, Philippines — Inaasahang sisirit ang presyo ng langis sa pagbubukas ng pandaigdigang merkado kasunod ng pag-atake ng US at Israel laban sa Iran at tumitinding tensyon sa Middle East.
Magbubukas ang oil market alas-11 ng gabi (GMT) Linggo, at ayon sa mga analyst, posibleng pumalo sa $85 hanggang $90 kada bariles ang Brent crude.
“I expect oil prices to be between $85 and $90,” ayon kay Amena Bakr ng Kpler, na nagsabing malaking pagtalon ito mula sa mahigit $72 noong Biyernes at $61 sa simula ng taon.
Pangamba ng mga eksperto, maaapektuhan ang maritime transport sa Strait of Hormuz na dinadaanan ng humigit-kumulang 20 porsiyento ng global oil supply.
Bagama’t hindi pa ganap na sarado ang naturang ruta, nagiging hadlang ang mataas na insurance cost at sinuspinde na ng ilang shipping companies ang pagdaan ng kanilang mga barko.
Ayon kay Jorge Leon ng Rystad Energy, maaaring mawala sa merkado ang 8 hanggang 10 milyong bariles kada araw kung tuluyang magsara ang Strait of Hormuz.
Bagama’t may 90 araw na oil reserves ang mga bansang kasapi ng OECD, hindi isinasantabi ang posibilidad na lumampas sa $100 ang presyo kada bariles kung magtatagal ang krisis.
Babala ng mga analyst, tataas din ang presyo ng natural gas lalo na’t malaking exporter ang Qatar ng liquefied natural gas, na maaaring magdulot ng panibagong inflationary pressure.
Huling pumalo sa higit $100 ang presyo ng krudo noong pagsiklab ng digmaan sa Ukraine, na nagresulta sa malawakang pagtaas ng presyo ng bilihin at enerhiya.
Ayon kay economist Eric Dor ng IESEG School of Management, kung panandalian lamang ang tensyon ay limitado ang epekto, ngunit kung tatagal, maaari itong magdulot ng mas malalim na pagbagal ng ekonomiya.
Sa stock market, inaasahang makikinabang ang sektor ng depensa ngunit maaaring bumagsak ang shares sa air transport, maritime transport at turismo. RNT/JGC