Home NATIONWIDE Joke o hindi: Assassination threat ni VP Sara kay PBBM, seryoso –...

Joke o hindi: Assassination threat ni VP Sara kay PBBM, seryoso – Malakanyang

155
0

MANILA, Philippines – Nanindigan ang Malakanyang na ‘seryoso’ ang naging pagbabanta ni Vice-President Sara Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na maging anuman ang paraan ng pagsasabi nito ay malinaw na ang intimidasyon o pananakot ay babagsak sa ilalim ng criminal liability.

Ang pahayag na ito ni Castro ay tugon sa naging paglalarawan ng isang mambabatas sa naging pahayag ni VP Sara laban sa Pangulo, para sa mambabatas, ang pahayag ni VP Sara ay hindi seryoso at isang ‘hyperbole’ lamang

“Seryoso po, kahit biro o hindi biro ang pagbabanta sa buhay ng isang pangulo,” ang sinabi pa ni Castro.

Matatandaang, Nobyembre 2024 nang aminin ni VP Sara na may kinausap na siyang hitman para patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez kung may masamang mangyari sa kanya. Ginigipit umano kasi siya at kanyang mga tauhan dahil umano sa pangarap ni Romualdez sa politika.

Ipinaliwanag naman ni Castro na sa ilalim ng Revised Penal Code, “grave threats involve threatening another person with the infliction of a crime against their person, honor or property.”

“Kahit ano pa ang kondisyon niyan, nandoon ang pagbabanta, nandudoon ang pagki-create ng fear and anxiety in the person being threatened, nandudoon ang intimidation,” ang winika ni Castro.

Ang naging pagbabanta ni VP Sara ay kabilang sa impeachment complaints na isinampa laban sa kanya.

Sa ulat, idineklara ng House committee on justice na sufficient in form ang dalawang impeachment complaints na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte nitong Lunes. Sunod na susuriin ng komite sa Martes kung sufficient in substance naman ang mga reklamo.

Sa isinagawang pagdinig ng komite na pinamunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro, idineklara na sumunod ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaint, alinsunod sa naging desisyon noon ng Korte Suprema (SC), na nagsasaad na isang impeachment proceeding lang ang dapat maisampa laban sa isang opisyal kada taon. Dapat na may hindi bababa sa isang endorser mula sa mga miyembro ng Kamara.

Bago ideklarang sapat sa porma ang mga naturang reklamo, nagpasya ang House justice panel na isantabi ang unang impeachment complaint na inihain ng Makabayan coalition at mga kaalyadong grupo noong Pebrero 2 dahil lumabag ito sa one-year bar rule.

Una rito, inanunsiyo ng Tindig Pilipinas na pormal nilang binawi ang ikalawang impeachment complaint na inihain laban kay Duterte noong Pebrero 2, at nagpasyang suportahan ang ikatlong impeachment complaint.

Sa deliberasyon, sinabi ng ilang mambabatas mula sa oposisyon na impeachable offense ang ginawa umanong tila pagbabanta ni Duterte na ipapapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kaniyang pamilya, gayundin ang umano’y mga inimbento nitong mga pangalan na tumanggap ng confidential funds.

“As to the opinion of some people that there are no “smoking guns” in this and the other complaint, I beg to disagree. The video containing the Vice President’s threat to kill the President, the First Lady and then House Speaker, as well as the media interview where she affirmed it, is a smoking gun,” ayon kay House Deputy Minority Leaders Leila de Lima ng ML party-list, at isa sa mga endorser ng tatlong impeachment complaints.

“The numerous Documents Evidencing Payments (DEPs) with fictitious names are smoking guns. Saballa, et al’s  complaint is replete with many other documentary evidence which are also smoking guns,” dagdag niya.

Tinukoy rin ni De Lima ang mga acknowledgement receipts ng confidential fund recipients ng Office of the Vice President at Department of Education noong si Duterte pa ang namumuno rito, na ibunyag sa imbestigasyon ng Kamara hinggil sa paggamit ng budget ng dalawang ahensiya.

Sinabi naman ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers party-list, na hindi dapat hayaan na makalusot si Duterte sa mga bogus recipient ng confidential funds.

“Nakakita tayo ng mga ‘dubious accomplishment reports’ at mga pekeng resibo. Sino ang makakalimot kay ‘Mary Grace Piattos’? Isang pangalang hindi matagpuan sa kahit anong rekord ng gobyerno, ngunit ginamit para pirmahan ang paglabas ng pondo ng bayan. Ito ay isang malinaw na panloloko at pambabastos sa proseso ng audit,” giit niya.

“Batay sa mga ebidensyang ito, maliwanag na dapat ma-impeach si Vice President Duterte,” dagdag ni Tinio. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here