Home NATIONWIDE Land exit points sa mga Filipino sa Middle East natukoy na ng...

Land exit points sa mga Filipino sa Middle East natukoy na ng DMW

200
0

MANILA, Philippines — Natukoy na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga posibleng exit points, pick-up locations at land border crossings para sa repatriation ng mga Pilipino sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aralan ang alternatibong paraan ng pagpapauwi sa mga Filipino sakaling magsara ang airspace at mga paliparan.

Sa pagdinig ng Senate committee on migrant workers, kinumpirma ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac na may nakahanda nang land transport option, ngunit tumangging tukuyin ang eksaktong lokasyon dahil sa seguridad.

“Kung sarado ang airspace at airports, mayroon tayong land transport option para tumawid sa border mula sa apektadong bansa patungo sa mas ligtas na bansa, at mula roon ay maaari nang lumipad pauwi,” ani Cacdac.

Dagdag pa niya, natukoy na rin ang mga border exit points at uri ng transfer—maaaring commercial o chartered flights—mula sa mas ligtas na bansa.

Sa nakalipas na 24 oras, nagsagawa umano ang DMW ng test runs upang tiyakin ang kaligtasan ng mga ruta. Nakikipag-ugnayan din sila sa limang bansa para sa koordinasyon sa pagtawid sa kani-kanilang border points.

Samantala, patuloy ang pakikipagtulungan ng DMW sa host countries at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino.

Naglaan na rin ang ahensya ng mga hotel na maaaring pansamantalang tuluyan ng mga OFW sa oras ng armadong pag-atake.

“May safety rooms ang mga hotel at lower ground floors lamang ang ginagamit. Hindi tayo pumipili ng high-rise hotels,” paliwanag ni Cacdac.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), nasa 1,189 OFW na ang humiling ng repatriation mula sa iba’t ibang bansa sa Middle East.

Batay sa tala hanggang alas-12 ng tanghali noong Miyerkules: 278 mula Bahrain, 46 sa Israel, 62 sa Kuwait, 231 sa Dubai, 246 sa Abu Dhabi, 173 sa Qatar at lima sa Lebanon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here