MANILA, Philippines – Hinamon ni Sara Duterte ang mga mambabatas sa House of Representatives na nag-akusa sa kanya ng unexplained wealth na ipakita kung aling bahagi ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ang hindi maipaliwanag.
“Merong members ng House of Representatives na nagsabi ng unexplained wealth na tinatanong ko lagi, ituro mo sa akin. Saan diyan ang unexplained? Kasi ‘pag sinabi mong unexplained, hindi mapaliwanag ‘di ba, kung paano ‘yan pumasok diyan sa SALN mo,” ani Duterte.
Ayon sa Vice President, mula P18 milyon ang kanyang net worth noong 2008, tumaas ito sa P88 milyon sa katapusan ng 2024. “So anong iniisip nila, nakatunganga ako in 16 years na parang…hindi ako kumikita, hindi naghanap-buhay, hindi nag-trabaho?” dagdag niya.
Inirekomenda ng House justice panel na suriin ang bank records ni Duterte matapos matukoy na sapat ang impeachment complaints laban sa kanya. Ang mga reklamo ay naglalaman ng paratang sa pagkakanulo ng public trust, paglabag sa Konstitusyon, at umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon sa confidential funds, pati na rin pagbabanta sa buhay ng Presidente at kanyang pamilya.
Ang susunod na hakbang ay posibleng pagdinig at masusing pagsusuri ng mga dokumento at rekord ni Duterte. RNT/MND