Home NATIONWIDE Agarang pamamahagi ng cash aid, ipinangako ni PBBM; hoarding, profiteering, ibinabala

Agarang pamamahagi ng cash aid, ipinangako ni PBBM; hoarding, profiteering, ibinabala

154
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na mamadaliin ng gobyerno ang agarang pagbibigay ng cash assistance sa mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan.

Sa isang video message, sinabi ng Pangulo, magsasanib-puwersa ang national at local government para tiyakin na agad na makararating ang tulong sa mga nangangailangan nito.

“Ilalabas natin sa lalong madaling panahon ang fuel subsidy at cash transfer para sa mga apektadong sektor,” ayon sa Pangulo.

Sa kabilang dako, nagbabala naman ang Pangulo laban sa ‘hoarding at profiteering’ para manipulahin ang presyo ng mga pangunahing bilihin, iginiit na ang ganoong gawi ay labag sa batas.

“Patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan upang matiyak na walang mananamantala sa sitwasyon na ito. Nakikiusap ako sa ating mga negosyante at mga traders: huwag ninyo sanang samantalahin ang sitwasyong ito,” ang pahayag ng Pangulo.

Umaapela ang Pangulo sa publiko dahil tanggap niya ang kawalan ng katiyakan na dala ng tensyon sa Gitnang Silangan at epekto nito sa global oil supply.

Gayunman, nagpahayag ng kumpiyansa si Pangulong Marcos na malalampasan ng bansa ang situwasyong ito, tinukoy ang katatagan ng mga filipino.

Binigyang diin ang kahalintulad na hamon na naharap na noon ng bansa.

“Mga kababayan, hindi natin alam kung kailan matatapos ang kaguluhan sa Gitnang Silangan. Biktima tayo ng isang giyera na hindi natin pinili o ninanais. Hindi natin kontrolado ang digmaan. Pero kontrolado natin kung paano natin poprotektahan ang Pilipino,” ang winika ng Pangulo.

“Hindi ito ang pinakamalalang pagtaas ng presyo ng langis na naranasan ng ating bansa. Marami na tayong napagdaanan na pagsubok. At sa bawat pagkakataon, dahil sa ating pagkakaisa, pananampalataya sa Diyos, at malasakit sa isa’t isa,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here