MANILA, Philippines – Nasa higit P32 milyon na tulong pinansiyal ang ipinalabas ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso para sa 20 pasyente, karamihan ay mga bata, na sasailalim sa life-saving liver transplant sa India.
Personal na nakipagpulong si Yorme Isko sa mga pamilya ng mga pasyente noong Biyernes, Marso 6, sa ilalim ng Kaagapay Program ng lungsod, kung saan inilabas ang kabuuang ₱32,296,900.40 na pondo para sa kanilang operasyon.
Sa 20 pasyente, anim ang nakatakdang operahan sa Indraprastha Apollo Hospital habang 14 naman ang sasailalim sa transplant sa Max Healthcare, kapwa matatagpuan sa New Delhi, India.
Ayon sa mga opisyal ng lungsod, 18 sa mga pasyente ay mga batang may biliary atresia, habang isa ang may liver cirrhosis at isa pa ang may chronic liver disease.
Sa pulong kasama ang mga magulang, kinilala ni Domagoso ang matagal na paghihirap ng mga pamilya sa paghahanap ng pondo para sa napakamahal na operasyon.
“Ang mahabang paglalakbay ninyo ay paiiksiin na natin, at sana gabayan kayo ng Diyos at maging ligtas ang inyong mga anak,” pahayag ni Yorme sa mga magulang.
Binigyang-diin din ng alkalde na ang pondong ginamit ay mula sa buwis ng mga Manileño, at hindi siya nagdadalawang-isip na gastusin ito para makapagligtas ng buhay.
“Hindi ako magdadalawang-isip gumastos ng milyon, mabuhay lang ang isang tao. Ang pera kikitain ulit, pero ang buhay walang kapalit,” dagdag pa ni Yorme.
Ibinahagi rin ng alkalde na nagtitiwala na ang mga ospital sa India sa kakayahan ng pamahalaang lungsod na bayaran ang mga operasyon, kaya’t pumapayag ang mga ito na tanggapin ang mga pasyente basta may garantiya ng pondo mula sa Maynila.
Ayon pa sa alkalde, marami na ring mga batang ipinadala noon sa India sa ilalim ng programa ang nakabalik na sa Pilipinas na mas malusog matapos ang matagumpay na transplant.
Sa pinakahuling tulong na ito, lumagpas na sa ₱96 milyon ang kabuuang pondong inilabas ng lungsod para sa mga kritikal na pasyente sa ilalim ng Kaagapay Program.
Noong Pebrero ngayong taon, nasa ₱64,226,374.85 na ang naipamahagi para sa 71 pasyente.
Kabilang sa mga naunang tinulungan ang mga batang sumailalim sa liver transplant sa India, mga operasyon sa puso sa Philippine Heart Center, cochlear implant, at iba pang life-saving procedures sa malalaking ospital sa bansa. JAY Reyes