MANILA, Philippines – Sa ikinasang intensified manhunt operation ng Pasay City police ay nadakip ang tinaguriang Regional most wanted person (MWP) ng PRO 4 bago mananghali ng Huwebes, Marso 5.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang inarestong suspek na si alyas Boying, 40, tubong Sariaya, Quezon.
Base sa report na isinumite ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, naganap ang pagdakip sa suspek sa isinagawang manhunt operation/Oplan Galugad ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pakikipagtulungan ng Sariaya MPS at RIU4A PIT North Quezon dakong alas 11:30 ng tanghali sa Service Road, Roxas Boulevard, Baclaran, Parañaque City.
Matagumpay na naipatupad ang pag-aresto sa suspek sa bisa ng inisyung warrant of arrest sa kasong rape ni Honorable Presiding Judge ng Family Court, Fourth Judicial Region, Branch 16, Sariaya, Quezon na nakapailalim sa Article 266-A ng Revised Penal Code na may Criminal Case No. 2019-1835 na walang kaakibat na rekomendasyon ng piyansa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pasay City police WSS ang suspek habang inaayos ng mga dokumento para sa pag-turnover sa kanya sa Sariaya MPS na siyang may hurisdiksyon sa kanyang kaso. (James I. Catapusan)