MANILA, Philippines — Labing-anim na katao ang nasugatan matapos magsalpukan ang isang kotse at pampasaherong jeep sa national highway sa Barangay Tuyan, Naga City, Cebu nitong Lunes ng umaga, Marso 9.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-9:00 ng umaga na kinasangkutan ng jeep na bumibiyahe sa rutang Naga-Basak at isang sedan.
Sa paunang imbestigasyon ng Naga City Police Station, huminto umano ang jeep sa gilid ng kalsada upang magsakay ng pasahero nang biglang lumihis sa kabilang lane ang sedan na papasalubong.
Dahil dito, sumalpok ang kotse sa harapang bahagi ng jeep na naging dahilan nang pagtaob nito.
Nasugatan ang anim na pasahero ng jeep, tatlong sakay ng sedan, at ang mga driver ng dalawang sasakyan.
May ilang bystanders din ang nadamay matapos tumilapon ang jeep sa banggaan, kabilang ang limang katao na nakatayo malapit sa sasakyan.
Kabilang sa mga ito ang isang 30-anyos na babae at tatlong bata na may edad na 2, 6 at 11 taong gulang.
Agad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Naga City Disaster Risk Reduction and Management Office, traffic personnel at pulisya.
Dinala ang mga sugatan sa Cebu South General Hospital at Vicente Mendiola Center for Health Infirmary para sa agarang lunas.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang kabuuang pinsala sa mga sasakyan at ang sanhi ng aksidente. RNT/JGC