HUMUPA ng kaunti ang giyera sa Middle East at natutuwa na mismo si American President President Donald Trump sa pagsasabing durog at talo na ang Iran.
Lalo na nang ianunsyo ni Iran President Masoud Pezeshkian na ititigil na nila ang pag-atake sa ibang Arabong bansa sa kondisyong hindi magagamit ang mga ito ng US sa pag-atake sa Iran, kasabay ng paghingi nito ng pasensya.
Ngunit ngayong nakapagtayo na ang Iran ng kapalit ni napatay na Supreme Leader Ayatollah Ruhollah Khamenei, muling bumangis ang laban ng Iran sa US, Israel at iba pa.
Ipinalit kay Ruhollah ang kanyang anak na si Mojtaba Khamenei na namatayan ng asawa at anak nang bombahin ng US at Israel ang Iran presidential compound sa Teheran na ikinamatay ni Ayatollah.
OIL DEPOSIT, REFINERY AT WATER DESALINIZATION
Ngayon, hindi na lang mga base militar ang inaatake ng magkakalabang panig.
Sa Iran, binobomba ng US at Israel ang mga balon ng langis o oil deposit o oil well at refinery ng mga langis at may mga pagbagsak na ng mga sunog na langis o uling ng mga ito sa mga kabahayan at kalsada.
Pinagsasara na ang mga bintana ng mga bahay, hotel at iba pa para hindi mapasok ng amoy ng langis at usok ang mga ito na makasasama sa kalusugan ng mga mamamayan.
Pinasabog na rin ng Iran ang Haifa oil refinery sa Israel na siyang pinakamalaking suplayer ng mga produktong petrolyo sa buong Israel.
Tinamaan na rin ang Saudi Aramco na pinakamalaking planta ng langis sa Saudi Arabia at maging ang Qatar ay nagdeklara na ng force majeur sa pagkalkal at pagbibiyahe ng langis habang ganap na tumigil ang Iraq sa pagkalkal ng langis.
Hindi lang ‘yan.
Tinitira na rin ang mga water desalinization plant o planta sa paggawa ng mga tubig-inumin mula sa maalat na karagatan at biktima na mismo ang Iran, Bahrain at United Arab Emirates.
Karamihan sa mga bansang Arabo ang nabubuhay sa tubig mula sa tubig-alat na kinukuha mula sa mga karagatan sa paligid.
WALANG SUPLAY
Dahil sa pagsasara ng Strait of Hormuz na daluyan ng 20-25 porsyento ng suplay ng langis sa buong mundo, karamihan para sa Asya, kabilang ang Pilipinas, tumigil na nang buo ang mga suplay ng langis mula sa Iraq, Iran, Bahrain, Qatar, United Arab Emirates at Oman.
Ngayon nakaistambay sa loob at labas ng Persian Gulf at Strait of Hormuz at Gulf of Oman ang nasa 3,000 oil tanker at walang bumibiyahe.
Itinigil naman bigla ng China ang pag-eksport ng mga produktong petrolyo na pinagmumulan ng 30% suplay ng Pinas habang hindi pa tumutulad dito ang South Korea na pinagmumulan ng 40% suplay natin.
Kaya naman, ganyan na lang ang pagtaas ngayon ng presyo ng mga produktong petrolyo na maglalaro sa P17-24 kada litro magsimula bukas.
Ang magandang balita lang, wala pang balita kung magkakaroon ng rasyon ng mga produktong petrolyo dahil magtatagal umano hanggang Abril ang suplay.
Nasaan na nga pala ang suspensyon ng excise tax na P10 sa bawat litro sa gasolina, P6 sa diesel at tig-P3 sa gaas at liquified petroleum gas?






