Home NATIONWIDE PSA, kinuwestyon ng mga senador sa makupad na aksyon vs fake birth...

PSA, kinuwestyon ng mga senador sa makupad na aksyon vs fake birth certs

184
0

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ng mga senador nitong Lunes ang Philippine Statistics Authority (PSA) dahil sa mabagal na pag-aksyon sa mga umano’y pekeng birth registration ng mga dayuhan sa bansa, kabilang ang kaso ng Chinese national na si Joseph Sy.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice, tinanong ng mga mambabatas kung bakit ngayong Marso lamang inendorso ng PSA sa Office of the Solicitor General (OSG) ang kaso ni Sy kahit matagal nang may natukoy na iregularidad sa kanyang birth certificate.

Si Sy ay umano’y nakakuha ng Filipino birth certificate at sangkot sa illegal mining operations sa Brooke’s Point, Palawan.

Ayon kay PSA Legal Service Director III Eliezer Ambatali, nagsagawa ang ahensya ng masusing imbestigasyon kabilang ang pagbisita sa mga local civil registry offices, pagsusuri ng mga dokumento, at pagberipika sa mga baptismal certificate sa mga parokya.

Aniya, noong Pebrero lamang natapos ang imbestigasyon kaya ngayong buwan lamang naipasa sa OSG ang kaso.

Ngunit iginiit ni Senator Risa Hontiveros na noong Disyembre pa lamang ay kinilala na ng PSA ang mga iregularidad sa birth certificate ni Sy.

“Pero Atty. Ambatali, the authority told this committee, December pa po, the authority already said under oath na may irregularities ang birth certificate, ang late registration no, ni Mr. Joseph Sy. At nag-commit na ang authority noon sa committee nito na ire-rekomenda nyo na sa OSG ang pag-cancela noon,” aniya.

“So, kumbaga, yung mga steps na dinescribe niyo ngayon, nagawa niyo na yon before you came to this committee to tell us na ire-rekomenda niyo sa OSG para i-cancel-an dahil nga may irregularities. So, bakit? Bakit March lang in-endorse sa OSG? Why did it take three months? A quarter of a year?” dagdag niya.

Inamin ni Ambatali na nagkaroon ng delay ngunit sinabi niyang nais ng PSA na makumpleto muna ang lahat ng dokumento bago iendorso ang kaso sa OSG.

Ayon naman kay Senator Erwin Tulfo, nagkakaroon ng “grey area” dahil sa ganitong delay na maaaring magamit ng mga dayuhang may pekeng birth certificate upang makalusot sa sistema.

Sinabi rin ni Senator Raffy Tulfo na maghahain siya ng panukala upang pahintulutan ang PSA na direktang kanselahin ang mga pekeng birth certificate nang hindi na kinakailangang idaan pa sa OSG.

Samantala, iginiit ni Hontiveros na higit pa sa illegal mining ang isyu laban kay Sy.

“In our last hearing at sa aming pag-uusap sa mga national security officials, it became clear that Joseph Sy was not just a former Chinese citizen who sought naturalization illegally for private ends, but that he was actively working for malign foreign interests. Kagaya ni Alice Guo, siya ay nataguriang agent of influence – ginagamit ang posisyon at impluwensya para sa interes ng ibang bansa.”

Ibinunyag ni Ambatali ang ilang “badges of fraud” sa records ni Sy, kabilang ang baptismal certificate na wala sa records ng simbahan, affidavit of late registration na notarized ng isang non-lawyer, at kawalan ng civil registry records ng kanyang mga magulang.

Kuwestiyonable rin umano ang birth record ng anak niyang si Johnson dahil hindi matukoy ang midwife at dahil sa delayed registration.

Sinabi naman ni Brooke’s Point Vice Mayor Mary Jean Feliciano na matagal nang nararamdaman ng kanilang komunidad ang impluwensya ni Sy at ang umano’y ilegal na operasyon ng kanyang kumpanya.

“Yes po. Until now po, Madam Chair, wala silang mayor’s permit at nag-issue po ng cease and desist order ang aming punong bayan. Tuloy-tuloy po ang operation,” ani Feliciano.

Tumanggi namang magkomento si Sy sa mga alegasyon.

“I have no comment because we have a professional management team,” aniya.

Dagdag pa niya, ang nickel na mina sa Brooke’s Point ay pangunahing ine-export sa China ngunit may bahagi ring ibinebenta sa Indonesia depende sa presyo sa merkado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here