MANILA, Philippines -WALANG nakikitang dahilan ang Malakanyang para mag-panic buying ang publiko sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.
“Hindi po kailangan magkaroon ng panic buying dahil kumpleto naman po at enough pa po ang supply, lalong-lalo na ang ating fuel at ng ating mga basic commodities,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
At gaya aniya ng sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI), wala namang paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Metro Manila at iba pang rehiyon.
Ani Castro, ang “abnormal” na pagtaas ng presyo ng mga kalakal at petroleum products ay dapat na ireport sa DTI at Department of Energy.
“Tulad ng aking sinabi kahapon sa DTI, wala naman daw po movement ng price sa mga basic commodities natin sa NCR at sa ibang mga region,” ani Castro.
“At kung mayroon po na magkakaroon ng abnormal price increase na hindi lang po nararapat sa ngayon, maaari po nila agad-agad na ito ay ibigay at ipaalam sa DTI, pati po sa DOE,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, nagbabala ang Malakanyang laban sa mga negosyanteng mananamantala sa presyo ng mga pangunahing bilihin bunsod ng sumisiklab na gulo sa Middle East, kasabay ng pagkasa ng pamahalaan ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng napipintong malakihang oil price hike.
Binigyang diin ni Castro na hahabulin ng batas ang sinumang gagamit sa krisis upang magtaas ng presyo nang walang batayan.
Giit nito, ang agkakaisa ang nais mangyari ng administrasyon at hindi ang panlalamang sa kapwa.
Nagbabala rin ito sa mga posibleng kaharapin ng mga profiteers kung sakaling mapatunayan ang kanilang paglabag. KRIS JOSE