MANILA, Philippines – Palalakasin ng Department of Education (DepEd) ang mga mekanismo sa mental health support kasunod ng pagkamatay ng estudyante mula sa Taguig City.
Sa pahayag, nagpaabot ng pakikiramay ang DepEd sa pamilya at mga kaibigan ng estudyante na “tragically lost his life in light of a personal and sensitive incident.”
Anang DepEd, binisita ng mga miyembro ng Executive Committee ang paaralan para i-monitor ang sitwasyon at siguruhin ang agarang tulong na maibibigay sa paaralan.
“In response, DepEd promptly mobilized its mental health crisis response mechanisms,” ayon sa ahensya.
Idinagdag pa ng DepEd na nakikipag-ugnayan ito sa concerned field office para mangalap ng mas maraming impormasyon at matukoy ang nararapat na tulong sa mga apektado.
Sinabi rin ng DepEd na nagpaabot na ng tulong ang opisina ni Taguig City Mayor Lani Cayetano at lokal na pamahalaan.
Iginiit ng ahensya ang kahalagahan ng napapanahong mental health interventions para sa mga nakararanas ng psychological challenges.
“DepEd recognizes that this incident is a sensitive issue and underscores the importance of providing timely interventions for learners and teachers who may be experiencing mental health challenges,” saad pa sa pahayag.
Hindi maglalabas ang DepEd ng mga detalye sa insidente bilang respeto sa pamilya ng biktima.
Hinimok din nito ang publiko na i-respeto ang privacy ng mga indibidwal na sangkot maging ang paaralan. RNT/JGC