MANILA, Philippines — Inaprubahan ng House Committee on Agriculture and Food ang panukalang lilikha ng Congressional Commission on Agriculture (AGRICOM) na magsasagawa ng malawakang pagsusuri sa kalagayan ng sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill No. 6689, layunin ng AGRICOM na magsagawa ng komprehensibong assessment sa agricultural production systems, value chains, mga institusyon at umiiral na regulatory frameworks sa sektor.
Magiging isang legislative policy think tank ng Kongreso ang komisyon na inaasahang maghahain ng mga rekomendasyon para sa pangmatagalang reporma upang mapalakas ang food security, kabuhayan sa kanayunan at agricultural productivity.
Bahagi rin ng mandato nito ang pagbuo ng isang 10-year strategic roadmap para sa agricultural transformation na magtatakda ng mga prayoridad sa pamumuhunan, institutional reforms, workforce development at innovation strategies.
Bubuuin ang komisyon ng mga kinatawan mula sa Senado at House of Representatives at magkakaroon ng sariling kapangyarihan upang tukuyin ang research agenda, pamamaraan ng pagsusuri at konsultasyon sa mga stakeholder.
Tatagal ang operasyon ng komisyon ng tatlong taon mula sa unang organizational meeting nito, na maaari pang palawigin ng dalawang taon kung kinakailangan.
Nakasaad din sa panukala ang paglikha ng Technical Secretariat na pamumunuan ng isang Executive Director, at isang Advisory Council na binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.
Inihain ang panukala nina Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Acidre na ang panukala ay nakabatay sa tatlong prinsipyo: pagiging komprehensibo, pagiging tapat sa pagsusuri, at malinaw na layunin para sa reporma sa agrikultura.
“The goal is not simply to study the sector, but to translate that assessment into a clear, long-term roadmap for reform,” ani Acidre.
Nauna nang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang counterpart measure na Senate Bill No. 1624 noong Pebrero 18. RNT/JGC