Bulacan – Ipinababatid ng kinauukulan na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga hayop na tinatamaan ng sakit na rabies sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).
Sa ulat ng City of SJDM-City Veterinary Office na may temang “Rabies Alert” nitong umaga ng Lunes, Marso 9, mayroon nang siyam na kumpirmadong namatay sa sakit na ito sa kasalukuyan.
Alinsunod sa kanilang datos, pawang ang mga pagala-galang aso sa lansangan ang sanhi ng pagdami ng mga biktima ng sakit na ito.
Kumpirmadong naitala ang animal rabies cases sa mga ng Brgy. Assumption, Kaypian, Sapang Palay, Gumaoc Central, Dulong Bayan, Citrus, Poblacion 1, Fhomes-Yakal, Graceville at Gaya-gaya na ang history ay owned bitten by stray dog at stray dog.
Nabatid na para makaiwas sa sakit na rabis ay kailangan iparehistro, pabakunahan ang mga alagang aso at pusa para sa sakit na rabis at bigyan sila ng sapat na nutrisyon at kalinga.
Huwag umanong hayaang pagala-gala sa kalsada ang mga alaga, at lagyan ng tali kung ipapasyal sa pampublikong lugar.
Sakaling makagat ng aso o pusa ay hugasan ang sugat ng 10 hanggang 15 minuto sa dumadaloy na tubig habang sinasabon, agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center o ospital, iwasang pumunta sa tandok o tawak at ipagbigay alam sa nasabing tanggapan.
Payo pa ng kinauukulan na maging alerto at responsable sa pag-aalaga ng aso at pusa upang rabis ay mapuksa. Dick Mirasol III