MANILA, Philippines – Iginiit ni Atty. Charlie Pascual, ang notary public na nagnotaryo sa affidavit ng ’18 ex-Marines’ na nag-akusa sa ilang opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng pera, na siya ay isang lehitimong abogado.
Ginawa ni Pascual ang pahayag sa isang ambush interview matapos siyang humarap sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes.
“Ito po yung pagpapatunay na ako po ay hindi hao siao na abogado. Ako po ay may opisinang notarial,” ani Pascual.
Ang affidavit na kanyang notarized ay kaugnay ng mga alegasyon nina Atty. Levito Baligod at ng 18 ex-Marines na may ilang indibidwal na umano’y tumanggap ng pera mula kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.
Mariing itinanggi ng mga opisyal at indibidwal na pinangalanan sa alegasyon ang mga paratang, at may ilan na ring naghain ng reklamo laban sa mga dating Marines at iba pang sangkot.
Samantala, sinabi ng Philippine Navy na apat sa 18 indibidwal ay hindi kailanman naging miyembro ng Navy o ng Philippine Marine Corps.
Nanawagan din si Pascual sa publiko na kumuha lamang ng serbisyo ng mga lehitimong notary public.
“Marami po kasing nakikita diyan na nagkalat sa mga kalye,” aniya. Santi Celario