Home NATIONWIDE Anak ng nasawing Iran supreme leader, itinalagang bagong Islamic leader

Anak ng nasawing Iran supreme leader, itinalagang bagong Islamic leader

225
0

PARIS, France — Itinalaga bilang bagong supreme leader ng Iran si Mojtaba Khamenei, anak ng yumaong pinuno ng bansa na si Ali Khamenei, na inaasahang magpapatuloy sa matigas na pamumuno ng kanyang ama sa Islamic republic.

Ang 56-anyos na klerigo ay walang opisyal na posisyon sa pamahalaan noong panahon ng pamumuno ng kanyang ama, ngunit matagal nang pinaniniwalaang may impluwensya sa likod ng kapangyarihan sa Iran. Kilala rin siyang malapit sa mga konserbatibong grupo, lalo na sa makapangyarihang Islamic Revolutionary Guard Corps, na agad nagpahayag ng suporta sa kanya.

Agad din siyang nakatanggap ng pag-endorso mula kay President Masoud Pezeshkian, gayundin mula sa sandatahang lakas at hudikatura ng Iran matapos ang kanyang paghirang.

Itinalaga si Mojtaba bilang supreme leader ng Assembly of Experts, ang pinakamataas na clerical body ng Iran, sa isang pahayag na inilabas makalipas ang hatinggabi noong Lunes.

Ang hakbang ay itinuturing na isang hereditary-style transition, sa kabila ng Islamic revolution na nagpatalsik sa monarkiya ng shah. Noong 2024, tinanggihan ni Ali Khamenei ang ideya ng ganitong uri ng paghalili sa kapangyarihan.

Ipinanganak si Mojtaba Khamenei noong Setyembre 8, 1969 sa banal na lungsod ng Mashhad sa silangang Iran, at siya lamang sa anim na anak ng dating supreme leader ang may hawak na pampublikong posisyon.

Napatay ang kanyang ama na si Ayatollah Ali Khamenei, edad 86, sa unang bugso ng air strikes ng United States at Israel sa Tehran noong Pebrero 28, na nagpasiklab sa kasalukuyang digmaan sa Middle East.

Si Mojtaba Khamenei ay isang klerigo na may suot na itim na turbante ng mga seyyed, o mga sinasabing inapo ni Propeta Mohammed, at isa ring beterano ng Iran-Iraq war noong dekada 1980.

Noong 2019, ipinataw ng United States ang sanctions laban sa kanya sa ilalim ng unang termino ni President Donald Trump, dahil umano’y kinakatawan niya ang kanyang ama “despite never being elected or appointed to a government position aside from work in the office of his father”.

Sinabi noon ng US Treasury na si Ali Khamenei ay “delegated a part of his leadership responsibilities” sa kanyang anak na “who worked closely” sa Iranian security forces “to advance his father’s destabilizing regional ambitions and oppressive domestic objectives”.

Inakusahan din siya ng mga kritiko na may papel sa marahas na crackdown matapos ang reelection ni dating pangulong Mahmoud Ahmadinejad noong 2009, na nagdulot ng malawakang protesta.

Ayon sa imbestigasyon ng Bloomberg, na sumipi sa anonymous sources at ulat ng Western intelligence agencies, nakapag-ipon umano si Mojtaba Khamenei ng mahigit $100 million na yaman na inilagak sa luxury British real estate, mga hotel sa Europa, at ari-arian sa Dubai sa pamamagitan ng shell companies.

Sa larangan ng relihiyon, nag-aral siya ng teolohiya sa banal na lungsod ng Qom, kung saan siya rin ay nagturo. Dati siyang may ranggong Hujjat al-Islam, ngunit ipinakilala bilang ayatollah nang italaga bilang supreme leader.

Ayon sa mga awtoridad ng Iran, nasawi rin sa parehong US-Israeli strikes ang kanyang asawa na si Zahra Haddad-Adel, kung saan napatay din ang dating supreme leader.

Nagbabala naman ang Israel sa bagong pinuno at sa mga nagtalaga sa kanya na “the hand of the State of Israel will continue to follow any successor and anyone who seeks to appoint a successor”.

Ang Assembly of Experts, na may 88 miyembro na inihahalal kada walong taon, ang may kapangyarihang magtalaga ng supreme leader at dalawang beses pa lamang nagpatupad ng leadership transition — ang paghirang kay Ali Khamenei noong 1989 matapos mamatay si Ruhollah Khomeini, at ang kasalukuyang paghirang kay Mojtaba Khamenei. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here