MANILA, Philippines – Tuwing Martes isinasagawa ang pagbabago sa presyo ng petrolyo sa bansa batay sa kasunduan ng Department of Energy (DOE) at mga oil company, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Garin na napagkasunduan ng industriya at DOE na tuwing Martes lamang ipatutupad ang price adjustment upang maging maayos ang sistema ng pagbabago ng presyo.
“Napagkasunduan kasi ‘yan in the industry with DOE previously na every Tuesday lang ‘yung change (price). Before kasi everyday ‘yan, iba-iba ‘yung system,” ani Garin.
Dagdag niya, naglabas na rin ng mga direktiba ang DOE sa mga oil company upang maiwasan ang hindi makatuwirang pagtaas ng presyo sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon.
“‘Yun ang kasunduan. Because of the problem right now, nag-issue kami ng mga directives to these oil companies kung ano dapat ang gawin. One of those is walang unreasonable increases ng presyo,” aniya.
Ipinaliwanag ni Garin na ang lingguhang price adjustment ay nakabatay din sa replacement cost ng petrolyo.
“Ang agreement is replacement cost kasi halimbawa, nabenta nila this week, kailangan nilang bumili for next week, ‘di ba? So may formula nang na-create within the industry together with DOE na kung magkano ‘yung replacement ng ibinenta mo, ‘yun ‘yung adjustments na ginagawa,” ani Garin.
Nagbabala rin siya na maaaring bawiin ang permit to operate ng mga kumpanya ng langis na hindi susunod sa direktiba ng DOE.
“If you do not follow the directive ng DOE na nagbigay sa ’yo ng permit para mag-operate ka ng gasolinahan, then we will cancel your permit,” aniya.
Ipinahayag din ni Garin ang suporta sa panukalang amyendahan ang Oil Deregulation Law, partikular sa unbundling ng presyo ng langis, upang masiguro ang tamang komputasyon at maiwasan ang hinala ng kartel.
Ayon sa DOE chief, may sapat pang 57 araw na suplay ng petrolyo ang bansa sa kabila ng umiigting na tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa pagbiyahe ng langis sa Strait of Hormuz, na itinuturing na pinakamahalagang ruta ng export ng langis sa mundo.
Ang nasabing daanan ay nag-uugnay sa mga pangunahing oil producer na Saudi Arabia, Iran, Iraq, at United Arab Emirates sa Gulf of Oman at Arabian Sea.
Batay sa datos ng DOE, inaasahang tataas ang presyo ng gasolina ng P7.00 hanggang P13.00 kada litro, diesel ng P17.50 hanggang P24.25, at kerosene ng P32.00 hanggang P38.50. Dave Baluyot