MANILA, Philippines – Posibleng tumaas ang presyo ng gulay dahil sa pagtaas ng presyo ng langis na maaaring magtulak sa ilang magsasaka na ihinto ang pag-aani ng kanilang mga produkto.
Ayon sa mga trader, nalulugi na umano ang mga magsasaka sa Cordillera dahila sa sirit-presyo ng langis, at hindi na maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng gulay na dinadala sa Metro Manila kung patuloy ang pagmahal ng produktong petrolyo.
Sa kasalukuyan ay nananatiling stable ang presyo ng gulay sa La Trinidad, ngunit babala ng mga trader na maaaring tumaas ito kapag nabawasan ang suplay dahil sa paghinto ng mga magsasaka sa pag-deliver ng kanilang ani.
“Example pag repolyo, pag P4 lang kaya ng repolyo, paano transportation, P8 na eh. Di hindi sila magka-cut. Sigurado pag konti lang ang dumating dito eh di tataas ang presyo,” ayon kay Mario Miguel, vice president ng Bagsan Association sa La Trinidad.
Ayon kay Benguet Governor Melchor Diclas, pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng subsidiya sa mga magsasaka upang matulungan silang magpatuloy sa pag-aani at pagdadala ng gulay sa merkado.
“Kailangan na talaga ‘yan kasi sustainability pa rin. Kung pwede makapagtulong tayo ng financial assistance for transport, for fuel at least nakadala pa rin sila ng gulay natin sa mercado,” aniya.
Sa tatlong pangunahing gasolinahan sa La Trinidad, nasa pagitan na ng P85 hanggang halos P97 kada litro ang presyo ng diesel sa ikalawang araw ng staggered mega oil price hike, habang may nakaambang dagdag-presyo pa sa Huwebes.
Samantala, pansamantalang nagsara ang isang gasolinahan sa Buguias matapos maubusan ng suplay ng gasolina.
Sinabi ng Benguet LGU na patuloy nitong mino-monitor ang presyo ng langis sa mga gasolinahan at hinikayat ang publiko na ireport sa Department of Trade and Industry (DTI) ang anumang iregularidad. Mary Anne Sapico