Home NATIONWIDE Lifetime fuel supply kay Hidilyn Diaz, drawing lang – manager

Lifetime fuel supply kay Hidilyn Diaz, drawing lang – manager

199
0

MANILA, Philippines – Ibinunyag ng manager ni Tokyo 2020 Olympic gold medalist Hidilyn Diaz na hindi pa rin umano natutupad ang ipinangakong lifetime free fuel supply na ibinigay sa kanya matapos ang makasaysayang panalo sa Olympics.

Sa panayam sa PEP at sa kanyang Instagram post, sinabi ng manager ni Diaz na si Noel Ferrer na nananatiling tahimik ang atleta sa usapin kahit ilang taon na ang lumipas mula nang maiuwi niya ang kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas sa women’s 55kg weightlifting event.

Muling napag-usapan ang nasabing insentibo sa social media habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina sa buong mundo, kung saan may ilang netizen ang nagsabing masuwerte si Diaz dahil hindi na niya kailangang mag-alala sa presyo ng fuel.

Gayunman, sinabi ni Ferrer na hanggang ngayon ay hindi pa naibibigay ang ipinangakong benepisyo.

“Naku! Sanaol talaga. Medyo naiiling na lang ako. Si Haidie ay tumatahimik na lang at idinadaan na lang sa punchline,” ani Ferrer.

“Pero drawing naman talaga ang lifetime na fuel supply,” dagdag niya.

Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Ferrer ngunit sinabi niyang mas mabuti sana kung natupad ang ipinangakong insentibo para sa atleta.

“Hanggang doon na lang muna at baka may mam-bash pa sa amin sa pag-take up nito ngayong napaka-crucial na panahon. Pero waley ang lifetime supply na fuel na nai-commit,” aniya.

“Idinadaan na lang sa comedy ang lahat, pero OK na OK talaga kung seseryosohin ang pagbibitaw at pagtupad sa salita,” dagdag pa niya.

Sa kanyang Instagram post, ibinahagi rin ni Ferrer ang larawan ni Diaz na may hawak na fuel dispenser na may nakasulat na “DRAWING NAMAN PO ANG LIFETIME.”

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Hidilyn Diaz hinggil sa naturang usapin. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here