Home NATIONWIDE Supermarket group sa publiko: Panic buying, iwasan sa gitna ng sirit-presyo ng...

Supermarket group sa publiko: Panic buying, iwasan sa gitna ng sirit-presyo ng langis

252
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang grupo ng mga supermarket sa publiko na iwasan ang panic buying sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis sa mundo dulot ng tensyon sa Middle East, na posibleng magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Pilipinas.

Ayon kay Steven Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc., karaniwang naaapektuhan ng galaw ng presyo ng krudo ang presyo ng halos lahat ng produkto dahil nakaaapekto ito sa gastos sa fuel, kuryente, at paggawa.

“Kapag gumalaw ang presyo ng krudo, in any country, I guess, and you import the way we do, talagang gagalaw ang presyo ng lahat na bilihin. Labor, electricity, fuel, kapag gumalaw yan, galaw lahat ng presyo yan, sigurado,” ani Cua sa panayam ng GMA Integrated News sa Unang Balita.

“Lahat ng produkto maapektuhan,” dagdag niya.

Hinimok ni Cua ang publiko na huwag mag-hoard ng mga produkto dahil maaaring magdulot ang panic buying ng mabilis na pagkaubos ng stocks sa supermarket at pagtaas pa ng presyo.

“Kaya nga huwag tayong nagmamadaling mag-panic buying. When we do that, nakatulong tayo sa pagtaas ng presyo. Relax lang tayo,” aniya.

“If you want to buy, maybe buy 15% more than what you normally do. You want to be on the safe side pero don’t buy more. Twenty percent or up to 50%, don’t buy it up to that kasi hindi naman kailangan. Kaya para we give time for the production people to come up with more stocks,” dagdag niya.

Sa kabila nito, sinabi ni Cua na wala pang opisyal na abiso mula sa mga manufacturer tungkol sa pagtaas ng presyo ng produkto.

Aniya, maaaring hindi pa agad maramdaman ng mga mamimili ang epekto dahil may natitira pang stocks ang mga retailer at supplier na binili bago lumala ang tensyon sa Middle East.

Ayon pa kay Cua, may humigit-kumulang 50 araw na suplay ng fuel ang Pilipinas sa kasalukuyan. Gayunman, nagbabala siya na maaaring maapektuhan ang supply chain kung magmamadali ang publiko sa pagbili ng gasolina o pag-iimbak ng mga bilihin dahil matagal dumating ang mga bagong shipment.

Dagdag niya, maaaring mas maagang makaranas ng kakulangan sa suplay ang ilang lalawigan kumpara sa Metro Manila dahil sa problema sa delivery at distribusyon dulot ng limitadong suplay ng gasolina at mas maagang pagsasara ng ilang gasolinahan.

“Itong problema sa probinsya, delivery, distribution. Kasi nga, yun na nga, yung gasolina, linilimit ng ibang gas stations. So yung mga trucks, di maka-deliver yung mga trucks. Yung iba naman, oras, nagsasarang maaga,” aniya.

“So because of that, disrupted ang distribution kaya siguro yung ibang probinsya, medyo mas maagang mawawalan ng certain stocks,” dagdag niya.

Ayon pa kay Cua, may ilang retailer na nagsimula nang maglimit ng dami ng produktong inilalabas sa mga tindahan upang maiwasan ang hoarding.

Nakatakda ring makipagpulong ang grupo sa National Price Coordinating Council ng Department of Trade and Industry (DTI) upang talakayin ang sitwasyon at mga posibleng hakbang upang mapanatiling matatag ang suplay at presyo ng mga bilihin. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here