MANILA, Philippines – Bigong mairehistro ng may-ari ng barko na tinamaan ng missile sa Persian Gulf ang Filipino seafarer na nawala sa naturang pag-atake, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na naglunsad na ng imbestigasyon ang ahensya sa may-ari ng barko kasunod ng insidente malapit sa Strait of Hormuz.
“Yung shipowner kasi ay hindi na-rehistro ‘yung ating tripulante dito sa talaan natin. So that’s one offense in itself,” ani Cacdac sa panayam ng DZBB.
Ang nawawalang Pinoy ang tanging Filipino crew member na sakay ng tugboat na tinamaan ng missile.
Pawang mga dayuhan naman ang iba pang crew members.
Nagpapatuloy ang search and rescue operations at hindi pa natutunton ang Filipino seafarer.
“Merong mga nahanap doon sa tugboat na tinamaan ng missile pero hindi siya,” sinabi pa ni Cacdac.
Kasunod ng pag-atake, sinabi ni Cacdac na agad na binisita ng mga team mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang tirahan ng pamilya ng biktima para magpaabot ng suporta.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa shipowner, ipinunto ni Cacdac na prayoridad ng pamahalaan ang search and rescue operations at pagbibigay ng tulong sa pamilya. RNT/JGC