MULING nararamdaman ng mga Pilipino ang epekto ng pagtaas ng presyo ng crude oil sa pandaigdigang merkado. Dulot ito ng patuloy na tensyon at sigalot sa Gitnang Silangan—isang rehiyong kilala bilang pangunahing pinagkukunan ng langis sa mundo. Naaapektuhan ang supply ng langis kapag nagkakaroon ng kaguluhan sa lugar na ito na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo sa pandaigdigang pamilihan.
May ‘domino effect’ ang fuel price increase. Asahan na natin sa mga susunod na araw ang pagtaas ng pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing bilihin. Tumataas din kasi ang gastos sa transportasyon at produksyon dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel, gasolina, gayundin ng kerosene. At sa dulo, ang ‘end users’ ang tatamaan na karaniwang mamamayan tulad ng mga manggagawa, drayber, at maliliit na negosyante.
Hindi kataka-takang marami ang nagrereklamo at nababahala. Ang bawat katiting na pagtaas sa presyo ng langis ay may malaking epekto sa kakarampot na badyet ng maraming pamilya.
Sa ganitong sitwasyon, mahalagang matutong mag-adjust ang bawat isa. Maaaring magsimula sa simpleng pagtitipid sa paggamit ng sasakyan, pagsabay-sabay sa biyahe, o paggamit ng pampublikong transportasyon kung maaari. Maaari ring pagtuunan ng pansin ang pagtitipid sa kuryente at maingat na pagba-budget ng gastusin sa bahay. Sa antas naman ng pamahalaan, mahalaga ang pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa mga sektor na labis na naaapektuhan, tulad ng fuel subsidy para sa mga drayber at suporta sa sektor ng transportasyon at agrikultura. Isa sa mga ipinatutupad na ngayon ng administrasyon ay ang temporary 4-day workweek para sa mga kawani.
Sa gitna ng ating mga reklamo at pangamba, mas mapalad pa rin tayo kaysa sa mga bansang direktang apektado ng giyera. Ang araw-araw na buhay ng mga tao duon ay puno ng takot at pangamba. Alam ba ninyong kahit ang simpleng kalabog ng pinto, pagbagsak ng kaldero, o malakas na ingay ay maaaring magdulot ng takot dahil sa pangambang baka ito ay pagsabog o pag-atake?
Kaya mas mapalad tayo kaysa sa kanila, dear readers. Ipagpasalamat na lamang natin na tayong lahat ay namumuhay pa rin sa kapayapaan. Mas mahalaga ang katahimikan at seguridad kaysa anomang presyo ng langis.






