Home METRO Suspek sa online sexual exploitation ng mga bata sa Subic, arestado –...

Suspek sa online sexual exploitation ng mga bata sa Subic, arestado – NBI

170
0

ZAMBALES, Philippines – Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang suspek sa bayan ng Subic matapos matukoy na diumano’y nagpapadala ng sexually exploitative content ng mga menor de edad sa mga tumatanggap sa United States.

Ayon sa ulat ng NBI noong Sabado, Marso 14, nakabatay ang operasyon sa case referral mula sa United States Department of Homeland Security sa pamamagitan ng investigative arm nito na Homeland Security Investigations (HSI).

Sinabi ng NBI na ang suspek ay diumano’y nag-aalok, nagbebenta, at nagbabahagi ng explicit materials sa foreign nationals kapalit ng pera. Noong Pebrero 16, isang menor de edad na biktima ang nasagip ng NBI-VAWC Division kasama ang Destiny Rescue Philippines at inilahad na siya ay naabuso at na-exploit ng suspek.

Matapos makumpirma ang iligal na gawain, nakakuha ang NBI ng search warrant para i-seize at suriin ang mga computer data. Natukoy ang eksaktong lokasyon ng suspek noong Marso 11 sa tulong ng NBI Technical Intelligence Division, kaya isinagawa ang joint operation kasama ang NBI-VAWC Division, NBI-Olongapo District Office, at NBI-Digital Forensics Laboratory Division.

Sa pagsusuri ng mobile phone ng suspek, natuklasan ang maraming child sexual abuse materials. Agad siyang kinuha sa kustodiya at haharap sa kaso sa ilalim ng Republic Act No. 11930 o Anti-online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act. Iniharap ang suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa Zambales-Olongapo para sa inquest proceedings.

Ani NBI Director Melvin A. Matibag, ang pag-aresto ay malinaw na mensahe na ang Pilipinas ay hindi ligtas na kanlungan para sa mga kumikitang mula sa pang-aabuso sa bata. Idinagdag niya na patuloy ang NBI sa pagtugis sa mga OSAEC facilitators sa tulong ng international partners at digital forensic capabilities.

“Committed kami na putulin ang ganitong networks upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga bata sa digital na espasyo,” ani Matibag. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here