MANILA, Philippines – Binawian ng buhay ang isang security escort ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso matapos barilin ng mga gunmen sakay ng motorsiklo sa Tondo, Maynila, madaling araw ng Linggo.
Kinilala ang biktima na si George Capistrano, 56, isang retiradong pulis at residente ng Barangay 134 sa Balut. Si Capistrano ay bahagi ng security detail ng alkalde.
Ayon sa paunang ulat ng Manila Police District (MPD), naganap ang pamamaril bandang alas-12 ng madaling araw sa harap ng bahay ng biktima sa kanto ng Salonga at Buendia streets.
Sa imbestigasyon sakay ng motorsiklo ang dalawang suspek na isang karaniwang pamamaraan ng ‘riding in tandem’ shooting.
Agad na dinala ang biktima sa Tondo Medical Center, ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa asawa ng biktima na si Andrea Capistrano, nasa loob siya ng kanilang bahay nang marinig ang dalawang putok ng baril.
Agad itong lumabas ng bahay upang tignan ang nangyari nang makitang nakahandusay na ang kanyang asawa.
Iniulat ng pulisya na mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril at nananatiling hindi pa natutukoy.
Naglunsad na ang MPD ng follow-up investigation at manhunt operations upang matukoy ang mga gunman at malaman ang motibo sa pagpatay. Jocelyn Tabangcura-Domenden