MANILA, Philippines – Maaaring mag-isyu ng subpoena ang House Committee on Justice kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawa, abogado Manases Carpio, kaugnay ng P50-milyong agwat sa pagitan ng kabuuang sahod ni Duterte at ng kanyang idineklarang net worth, ayon kay Terry Ridon.
Ayon kay Ridon, chairman ng House Committee on Public Accounts, hihingin ang income tax returns, bank transactions, at SEC registration ng mga negosyo na nakalista sa SALN ni Duterte para sa 2023 at 2024. Ipinakita ng SALN ni Duterte na tumaas ang kanyang net worth mula P7.25 milyon noong 2007, hanggang P88 milyon noong 2024.
Ang kabuuang sahod niya mula 2007 hanggang 2024 ay humigit-kumulang P30–40 milyon lamang.
“Kaya kailangan ipaliwanag ng Bise Presidente ang agwat mula P30–40 milyon hanggang sa P88 milyon na net worth na naisumite noong 2024,” ani Ridon.
Dapat ipaliwanag ang pagkakaiba sa pamamagitan ng iba pang legal na pinagkakakitaan, gaya ng kita mula sa law practice o negosyo. Base sa kalkulasyon ni Ridon, ang mga negosyo ay kailangang kumita ng P200–400 milyon sa loob ng 17 taon para maipaliwanag ang P50-milyong agwat.
Tiniyak ni Ridon na lampas ito sa simpleng correction ng SALN: “Ibang bagay ‘yung correction… kasi SALN should actually reflect ‘yun pong actual picture ng iyong wealth.”
Bibigyan ng pagkakataon si Duterte na ipaliwanag ang agwat sa proseso ng impeachment. RNT/MND