NEGROS ORIENTAL, Philippines – Aabot sa P4.755 milyon halaga ng smuggled cigarettes ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang maritime interdiction operation bago magbukang-liwayway noong Sabado sa Basay, Negros Oriental.
Ayon sa pahayag ng Philippine National Police, natanggap ng 4th Special Operations Unit (4th SOU) ng PNP Maritime Group ang tip tungkol sa pag-uunload ng mga kontrabando sa baybaying Barangay Nagbo-alao.
Nang beripikahin ng mga pulis, nakita nila ang mga indibidwal na nag-aangkat ng mga kahon ng sigarilyo, ngunit tumakas ang mga ito sa presensya ng mga awtoridad, iniwan ang mga nasamsam na produkto.
Narekober ang kabuuang 83 kahon ng sigarilyo na may halagang P4.755 milyon.
Ang mga nasamsam na sigarilyo ay isinailalim sa imbentaryo at dinala sa headquarters ng 4th SOU ng PNP Maritime Group. Ang National Tobacco Administration ang magsasagawa ng opisyal na valuation at karagdagang pagsusuri ng mga nakumpiskang produkto. RNT/MND