Home TOP STORIES Kampanya vs illegal gambling, dapat sabayan ng LGUs—tourism group

Kampanya vs illegal gambling, dapat sabayan ng LGUs—tourism group

133
0

Iginiit ng isang tourism-oriented movement na dapat suportahan ng mga lokal na pamahalaan ang isang malakas at tuluy-tuloy na kampanya laban sa illegal gambling upang mapanatiling malinis ang mga komunidad mula sa mga ganitong gawain na sinasabing patuloy na sumisira sa moral na pundasyon ng lipunan.

Ayon kay Voltaire Tolentino, founder ng Fight Against Illegal and Rigged Games (F.A.I.R. Games), hindi sapat ang police operations at mga pag-aresto kung walang buong suporta mula sa pamahalaan, lalo na’t patuloy ang paglaganap ng illegal gambling activities tulad ng color games, drop ball, at iba pang hindi awtorisadong paraan ng pagtaya sa ilang lugar.

Aniya pa, matapos ang bawat operasyon ng mga awtoridad, mabilis na bumabalik ang mga naturang ilegal na aktibidad.

Kaugnay nito, nanawagan si Tolentino sa provincial capitol at iba pang local government units (LGUs) sa Pangasinan at karatig-probinsya na mas palakasin ang suporta sa pagpapatuloy ng police enforcement laban sa patuloy na operasyon ng illegal gambling.

Si Tolentino, na kilala rin bilang tourism advocate at content creator sa probinsiya, ay nagsusulong ng mas makabuluhang gawain para sa kabataan upang mailayo sila sa mga bisyong tulad ng illegal gambling at sa halip ay hikayatin sa produktibong aktibidad, kabilang ang turismo at community development.

Binigyang-diin din niya na may malinaw na pagkakaiba ang legal at ilegal na sugal sa ilalim ng batas, at dapat ituro ng pamahalaan sa publiko kung alin ang legal upang matiyak ang tamang enforcement at accountability. Kabilang sa mga tinukoy niya ang government-authorized Small Town Lottery (STL) na pinangangasiwaan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na layong magbigay ng legal na alternatibo sa illegal numbers games.

Sa Pangasinan, ang STL operations ay kasalukuyang nasa ilalim ng franchise ng Grand 88 Corporation. Gayunman, iniulat na patuloy pa ring umiiral ang illegal bookies at unlicensed games kasabay ng STL, na lumilikha umano ng “parallel gambling economy.”

Ayon sa mga ulat, ang mga nasabing iligal na aktibidad ay nagaganap kahit sa araw, at nakakaakit umano ng mga tricycle driver at mga daily wage earner, na naaabala sa kanilang mas produktibong hanapbuhay.

Inaasahan namang magpapatuloy ang pagpapatupad ng Presidential Decree No. 1602 laban sa illegal gambling, na may parusa hindi lamang sa operators at bettors kundi pati na rin sa mga protektor at nagpapalaganap ng mga naturang aktibidad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here