ANG samahan ng overseas Filipino workers ay nananawagan sa ating gobyerno na gumawa ng pamalit na trabaho na makapagbigay ng kalutasan sa problemang kanilang kinakaharap na maaaring tumagal dahil sa mga nangyayaring kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Ayon sa kanila, unti-unti nang nagkakaroon ng magandang usapan ang mga lider ng magkalaban na grupo. Inaasahan nila na asikasuhin muna ang kalagayan ng mga nawalan ng trabaho sa halip na puro pamumulitika ang inaatupag.
Sa dami ng kaguluhang nararanasan ng mundo ngayon—mga digmaan, karahasan, at walang tigil na paghihirap ng mga tao—madalas ang katanungan: Bakit paulit-ulit na lamang ang gulo sa iba’t ibang panig ng mundo?
Marahil ang sagot ay nagsisimula sa loob ng ating sarili na kapag hinayaan nating mapasok ng galit, inggit, at masasamang hangarin ang ating puso at isipan, para na rin nating binubuksan ang pinto para sa kaguluhan.
Ang isang maliit na galit ay nagiging alitan, nagiging karahasan. At ang karahasan ay lumalawak hanggang maging digmaan na kumikitil ng buhay ng mga inosenteng mamamayan.
Kaya tuloy ang ating mga OFW ay pinanghihinaan ng loob dahil kapag hindi mahinto ang kaguluhan , maraming pamilya ang masisira ang pamumuhay.
Ang Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration ay hindi magkamayaw kung paano gawing maayos ang kalagayan ng OFW. Maging sila ay natataranta kapag may mga panibagong maiinit na balita na nakarating sa kanilang tanggapan.
Ngunit kung ang bawat isa ay magsisimula sa sarili—na maging kalmado, magpakumbaba, umunawa, at magmahal—maaaring doon magsisimula ang pagbabago.
Hindi kailanman magiging sapat ang lakas ng armas o kapangyarihan ng mga pinuno upang wakasan ang kaguluhan kung ang puso ng tao ay nananatiling sarado sa kabutihan
Kung nais nating mabawasan ang paghihirap sa mundo, marahil panahon na upang tanungin natin ang ating sarili: ano ba ang pinapapasok natin sa ating isipan—ang bulong ng galit o ang tinig ng pagmamahal? Sapagkat kung pagmamahal ang mananahan sa ating puso, doon lamang tunay na magsisimula ang kapayapaan.






