Home NATIONWIDE Impeachment sukatan kung Malacañang-ready si VP Sara – Luistro

Impeachment sukatan kung Malacañang-ready si VP Sara – Luistro

161
0

MANILA, Philippines – Hindi na kailangan ng mga botanteng Pilipino na hintayin ang eleksyon sa 2028 para malaman kung karapat-dapat si Vice President Sara Duterte sa Malacañang, dahil puwede nang magsilbing sukatan ang kasalukuyang impeachment case, ayon kay House Committee on Justice Chairperson Batangas 2nd district Rep. Gerville Luistro sa isang panayam sa radyo nitong weekend.

“Importante na lahat ng nagnanais na umupo sa pampublikong posisyon sa hinaharap ay maging pinakamahusay na halimbawa ng mandate ng accountability,” sabi ni Luistro, na nangunguna sa impeachment proceedings laban kay Duterte.

Ipinaliwanag ng lawyer-legislator na ang accountability ay kabaligtaran ng impunity.
“Pag impunity kasi ibig sabihin nun kahit mag-commit ka ng crimes, hindi ka na mananagot. Pero pag sinabi natin accountability, na para sa mga public officials, ibig sabihin palagi kaming mananagot sa soberanong Pilipino,” dagdag niya.

Aniya, tungkulin ng mga Pilipino na obserbahan at magpasya kung sino ang susunod na presidente “kaugnay ng impeachment process.”

“Kasi we’re talking about, hindi kasi maihiwalay ‘yung 2028 election. At ang Vice President ay nagpahayag na ng intensyon na tumakbo. Kaya sa tingin ko, ito ay isang paraan para makita ng mga Pilipino kung karapat-dapat ba ang VP maging presidente sa 2028,” sabi niya.

Ipinahayag ni Duterte noong Pebrero 18 ang kanyang balak na tumakbo sa pagka-presidente sa halalan dalawang taon mula ngayon.

Pinaniniwalaang hindi masyadong interesado si Duterte na dumalo sa proceedings ng justice panel. Ayon sa kanyang kampo, sa Consolidated Verified Answer Ad Cautelam na isinampa noong Lunes, Marso 16, walang alegasyon na kailangang tugunan sa dalawang natitirang impeachment complaints.

Noong Marso 18, idineklara ng komite na sapat ang grounds ng dalawang reklamo, kaya’t itinakda ang simula ng “hearings proper” sa Marso 25.

Noong nakaraang taon, matagumpay na na-impeach si Duterte sa House, ngunit walang aktwal na Senate impeachment trial. Idineklara ng Supreme Court (SC) na unconstitutional ang 2025 complaint, ngunit dahil lamang sa teknikalidad. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here