SA gitna ng lumalalang hamon ng pagbabago ng klima, mahahalagang papel ng mga kababaihan sa pangangalaga ng likas na yaman. Ito ang naging sentro ng ginanap na World Water Day Philippines Awards sa Diamond Hotel, kung saan pinarangalan ang mga indibidwal at organisasyong nagsusulong ng water sustainability sa bansa.
Alinsunod sa tema ng World Water Day 2026 na “Water and Gender,” binigyang-diin ang mahalagang kontribusyon ng mga babaeng lider sa pagpapanatili ng seguridad sa tubig. Ang prestihiyosong Woman in Water Leadership Award ay iginawad kina Jacqueline A. Caancan at Alma L. Abrasaldo para sa kanilang dedikasyon sa sektor. Kinilala rin bilang Outstanding Women Leaders sina Engr. Liza B. Silerio, Dr. Jessica C. Salas, at Ms. Eileen L. Dela Vega.
Isa sa mga naging tampok sa parangal ang Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI)–Donsol, Sorsogon. Ang grupong ito ay nagpakita ng inobasyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga marketable products mula sa basurang plastik, na hindi lamang nakatutulong sa kalinisan ng katubigan kundi nagbibigay din ng kabuhayan sa kanilang komunidad.
Ayon kay Maynilad President at CEO Ramoncito S. Fernandez, ang proteksyon ng tubig ay isang kolektibong responsibilidad. “Ang inyong gawa ay nagsisilbing inspirasyon. Ang pangangalaga sa ating yamang-tubig para sa susunod na henerasyon ay nangangailangan ng kooperasyon at pagkakaisa,” aniya.
Sumang-ayon din si DENR Secretary Juan Miguel T. Cuna, na nagsabing ang pagpapanumbalik ng mga watershed ay susi sa pangmatagalang seguridad sa tubig. Ang seremonya ay dinaluhan din ni NWRB Executive Director Dr. Sevillo D. David Jr., sa pagkilala sa kabuuang 24 na awardees.
Ang taunang parangal na ito ay patunay na ang sektor ng tubig ay hindi lamang usapin ng imprastraktura, kundi usapin din ng pagkakapantay-pantay at dedikasyon ng mga lider na handang manindigan para sa kalikasan.






