Home OPINION OPISYAL NG PNP NA MAY MAHINANG LIDERATO

OPISYAL NG PNP NA MAY MAHINANG LIDERATO

107
0

MARAMI sa mga pulis ngayon na nasa ilalim nitong opisyal na hindi naman kabisado ang kanyang kaharian (area of responsibility) ang nawawalan na ng tiwala sa kanilang “boss” dahil umano’y hindi epektibong liderato na dapat sanay nagsisilbing gulugod ng kanyang pamumuno.

Panay-panay lang daw ang press release ng public information officer kaugnay sa mga proyekto nitong pawang malamya naman na para sa mga pulis ay mahinang klase ng pamumuno nito.

Sabi nga ng mga pulis na may respeto pa sa kanya noong dumating siya, naloko raw sila dahil noong una ay laging mahinahon kung magsalita pero ngayon ay tila hindi na serbisyo sa mamamayan ang hanap subalit pawang pagkakaperahan na lang.

Pawang pangongotong na lang daw ang inuuna at laging nakatutok sa hatian sa koleksyon sa tinarahan nilang mga iligal na gawain. Mismong mga pulis ang nagsasabi na dati, kapag may pinaghahatian, 30-70 ang labanan. Ibig sabihin, 30 porsyento ang kay hepe at 70 porsyento sa mga operatiba o mga tauhan. Pero ngayon, baligtad na raw ang nangyayari. Halos gusto nga raw ng opisyal na ito na huwag na bigyan ang mga tauhang nagtrabaho.

Natulad na raw itong opisyal sa kanyang “Bossing” na puro pakabig ang alam. Puro ang nasaisip ay “akin” lahat. Mula sa iligal hanggang monthly operational expenses ay ibinubulsa kaya naman ang mga tao ay kanya-kanyang gastos lalo na kapag may operasyon. O kaya naman, kapag may operasyon, ang gastos ay hinihingi sa humihingi ng tulong. Ano ba yan? Deserve pa ba niyang magsuot ng kanyang uniporme?

Hindi kataka-takang maraming operatiba ang tila nangangapa, at ang kanyang mga programa ay hindi ramdam sa komunidad.

Patuloy ngayon ang pagbaba ng kumpiyansa ng publiko at pagdududa sa kakayahan niyang mamuno. Laging huli sa aksyon, kulang sa presensya, at madalas ay tahimik sa mga isyung dapat agarang tinutugunan at kapag ganitong istilo ng pamumuno, tiyak na magiging banta sa kaligtasan ng mamamayan.

Masakit mang sabihin, ngunit ang lideratong hindi marunong maglatag ng malinaw na direksyon ay lideratong walang silbi sa panahon ng krisis. Hindi sapat ang porma at pahayag kung walang konkretong resulta. Ang pulisya ay hindi dapat nakikita lamang kapag may insidente subalit dapat ito’y nararamdaman araw-araw bilang pwersang nagbabantay at nagtatanggol sa kapakanan ng mamamayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here