Home OPINION MALING TARGET, MALING AKSYON NG PAMAHALAAN

MALING TARGET, MALING AKSYON NG PAMAHALAAN

143
0

MALINAW ang punto ng Lawyers for Commuters Safety and Protection sa gitna ng panibagong krisis sa transportasyon – hindi pamasahe ang ugat ng problema kundi ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Para sa LCSP, ang panawagan ng publiko ay hindi dagdag pasahe kundi suspensyon ng excise tax sa produktong petrolyo. Pero sa halip na tugunan ng pamahalaan ang pangunahing hinaing ng mamamayan, nagpatupad ang pamahalaan ng panukalang taas-pasahe: P1 sa tradisyunal na jeepney at P2 sa modern jeepney, kasama ang paggalaw ng singil sa bus at airport taxi.

Gayunman, ipinatigil ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang taas-pasahe na isang malinaw na pagpapakita nito na ang direksyong tinatahak ay isang solusyong hindi sumasagot sa ugat ng problema.

Kaya nga binigyan diin samahan ng mga abogado na layong ipagtanggol ang mga mananakay, na ang hakbang ay nagdulot pa ng kaguluhan sa sektor ng transportasyon. Maraming operator ang napilitang ihinto ang biyahe, hindi bilang welga kundi dahil sa simpleng katotohanan na hindi na kayang mag-operate nang lugi. Sapagkat ang patuloy na pagtaas ng gastos sa krudo ay direktang nagpahihina sa kakayahan ng mga tsuper at operator na maghatid-serbisyo.

Ang pabago-bagong desisyon ng pamahalaan ay nagpapakita ng kakulangan sa malinaw na direksyon. Inanunsyo ang taas-pasahe bilang may basbas ng Pangulo, ngunit agad ding binawi makalipas lamang ang ilang oras. Ipinapakita nito ang tila kawalan ng matatag na paninindigan sa harap ng krisis.

Hindi sapat ang libreng sakay at diskwento sa tren bilang tugon sapagkat ang mga ganitong hakbang ng pamahalaan ay tila band-aid solution lang, pansamantalang lunas lamang na hindi natutugunan ang malalim na problema ng mataas na presyo ng langis.

Mananatiling hirap ang mamamayan lalo na ang mga tsuper at pasahero kapag patuloy na mataas ang buwis ng petrolyo.

Sa ganitong kalagayan, malinaw ang panawagan: ituon ang solusyon sa pinagmumulan ng pasanin. Hangga’t hindi tinatamaan ang ugat ng problema, mananatiling paikot-ikot ang krisis—at ang mamamayan ang patuloy na magdurusa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here