MANILA, Philippines – Nagtipon ang Senate panel ngayong Martes, Marso 24 para pag-usapan ang posibleng hakbang para pahupain ang epekto ng nagpapatuloy na global oil disruption sa ekonomiya ng bansa at milyon milyong Filipino.
Ayon sa ilang mga senador, ang bansa ngayon ay humaharap na sa krisis.
Sa pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (Protect) Committee, sinabi ni Senador Bam Aquino na dapat nang magdeklara ng state of national emergency ang pamahalaan.
Ito ay sentimyento rin aniya ng karamihan sa mga kasamahang senador.
Kamakailan ay binuo ng Senado ang Protect committee para gumawa ng komprehensibong plano sa pagresponde sa energy disruption at tumataas na presyo ng produktong petrolyo dahil sa pag-atake ng Israel at US sa Iran.
Bagamat kinilala ni Aquino na makatutulong ang pagbibigay ng ayuda sa public transport drivers para sa nawawalang kita, kailangan pa rin aniya ng mas malawak na kapangyarihan ang pamahalaan para rumesponde sa krisis.
Sa ilalim ng state of national emergency, katulad ng idineklara noong COVID crisis, maaaring magpatupad ang pamahalaan ng mga hakbang para magkaroon ng regulasyon sa presyo ng mga produkto at magkaroon ng sapat na suplay sa mga pamilihan.
Mapoprotektahan din aniya ang mga pamilihan, ospital at paaralan sa krisis sa langis.
“It is our minimum wage earners, the PUV drivers, our OFWs, and Filipino breadwinners who bear the heaviest burden of this crisis. Our response must go beyond providing aid, it must be about systemic protection,” sinabi ni Senador JV Ejercito.
“Hindi po natin alam hanggang kailan at hanggang saan ang patutunguhan ng nangyayaring krisis na ito, kaya dapat ganon din ang preparasyon na ginagawa ng mga ahensya,” dagdag pa niya.
Ani Ejercito, dapat na mag-alok din ng tulong ang pamahalaan sa middle-class income earners na bumubuo ng 40% ng populasyon.
“Sila rin po ang sumasalo at pumapasan sa bigat ng krisis na ito ngunit walang nakalaang ayuda para sa kanila.”
Samantala, sinabi ni Senador Kiko Pangilinan na dapat gamitin ng pamahalaan ang krisis para itama at palakasin ang sistema sa food at energy sufficiency.
Para naman kay Senador Risa Hontiveros, dapat nang aminin ng Malakanyang ang tindi ng sitwasyon at maglatag ng mga plano sa oras na tumindi pa ang krisis.
“Sa puntong ito, hindi na sapat ang monitoring at pakiusap kahit ang araw-araw na assurance mula sa Palasyo. Hindi naman sinusukat lamang ng krisis na ito ang tibay ng ekonomiya, ang sinusubok dito ang uri ng pamamahala,” anang senador.
Nitong Lunes ay tumanggi ang Palasyo na ilarawan ang problema sa produktong petrolyo sa bansa bilang krisis at tinawag lamang na “disruption” sa presyo ng langis. RNT/JGC