HINDI pa man ganap na sumisirit ang presyo, ramdam na agad ng publiko ang pagtaas ng gasolina at pamasahe na mga unang senyales ng panibagong alon ng dagdag-gastusin na muling babalikatin ng karaniwang Pilipino.
Sa bawat galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, tila awtomatikong sumusunod ang epekto sa ating ekonomiya, ngunit ang tugon ng pamahalaan ay nananatiling mabagal at kapos.
Hindi na ito bagong kwento. Sa bawat krisis na nagmumula sa labas ng bansa, paulit-ulit ang siklo: unang darating ang epekto, saka pa lamang bubuo ng plano. Sa panahong iyon, dama nang mamamayan ang bigat tulad ng mataas na pamasahe, mahal na bilihin, at masikip na badyet. Ang ganitong kabagalan ay tila naging normal na lamang, kahit ilang beses na tayong nasubok ng parehong sitwasyon.
Kung ihahambing sa ibang bansa, malinaw ang agwat. Sa France at Germany, maagap ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang upang pigilan ang biglaang pagtaas ng pamasahe. Sa South Korea, agad na ipinatutupad ang fuel tax cuts at subsidies, habang sa Japan ay may maayos na koordinasyon sa paggamit ng oil reserves at pag-aangkop ng energy policies. Ang resulta: hindi agad bumabagsak ang pasanin sa mamamayan.
Sa Pilipinas, kadalasan ay band-aid solutions ang sagot ng pamahalaan, mga pansamantalang ayuda at subsidiya na ipinapatupad kung kailan mataas na ang presyo. Dahil dito, ang unang nag-aadjust ay ang mga pamilyang kapos sa ipon at ang maliliit na negosyong madaling matinag sa bawat paggalaw ng merkado.
Mabuti na lang at kumikilos na ang Senado, tulad ng ginagawa ni Senate Minority Leader Cayetano na ilang beses nang naghain ng mga resolusyon na magkaroon ng contingency plans sa mga panahon ng krisis tulad ng inihain niyang Senate Resolution No. 343 na naglalayong magkaroon ng National Contingency Framework at isang malinaw na plano para sa mga krisis.
Ang aksyon ni Cayetano ay sinamahan nina Senate President Vicente Sotto, at Majority Leader Migz Zubiri, na naglalayong maglatag ng malinaw na contingency framework at mas maagang paghahanda, nananatiling hamon ang agarang pagpapatupad at koordinasyon.
Sa huli, malinaw ang aral na kapag may plano, may direksyon; kapag wala, ang mamamayan ang sumasalo. Kung hindi magbabago ang sistemang ito, mananatiling paulit-ulit ang siklo kung saan ang krisis ang nauuna, at ang paghahanda ang laging nahuhuli.






