Home OPINION HINDI ECONOMICS KUNDI SLOGAN?

HINDI ECONOMICS KUNDI SLOGAN?

147
0

MADALING magsabi ng “dagdagan natin ang sahod.” Sa unang tingin, ito ang uri ng panukalang madaling tanggapin ng publiko sapagkat direkta, simple, at pabor sa manggagawa. Ngunit sa likod ng magandang pakinggan, lumilitaw ang mas malalim na tanong na sapat ba ang ganitong panukala kung hindi ito nakaugat sa matibay na pagsusuri sa ekonomiya?

Ito ang sentro ng diskusyon sa isinusulong na nationwide wage hike ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando. Habang iginiit niya ito ay para sa kapakanan ng mga manggagawa, may mga ekonomista na nagbabala na ang ganitong hakbang ay maaaring mas malapit sa isang “slogan” kaysa sa isang konkretong polisiya.

Sa prinsipyo ng ekonomiya, malinaw ang ugnayan ng sahod at gastos ng negosyo. Kapag biglaan at malaki ang itinaas ng sahod, tataas din ang operating cost ng mga kompanya. Sa ganitong sitwasyon, may tatlong karaniwang tugon ang negosyo una ay magtaas ng presyo, pangalaw ay magbawas ng empleyado, at pangatlo ay magsara kung hindi na kayanin. Ito ay hindi haka-haka kundi normal na reaksyon sa pagtaas ng gastusin.

Kung mangyari ito, ang epekto ay babalik din sa manggagawa. Posibleng tumaas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, kasabay ng panganib nang pagkawala ng trabaho para sa ilan. May mga pag-aaral pa nga na nagsasabing maaaring malagay sa alanganin ang daan-libong trabaho kung ipatutupad ang malawakang wage hike na hindi naaayon sa kakayahan ng ekonomiya.

Dagdag pa rito, hindi pare-pareho ang kalagayan ng bawat rehiyon sa bansa. Iba ang sitwasyon sa Metro Manila kumpara sa mga probinsya, lalo na sa kakayahan ng maliliit na negosyo. Ito ang dahilan kung bakit may umiiral na regional wage boards—upang tiyakin na ang anomang pagtaas ng sahod ay naaayon sa lokal na kondisyon. Sa isang blanket policy, nawawala ang ganitong konsiderasyon.

Ang tanong ay hindi kung dapat bang tumaas ang sahod, kundi kung paano ito gagawin nang hindi nagdudulot ng mas malaking pinsala.

Ang tunay na hamon sa pamahalaan ay hindi lamang maglatag ng panukalang kaakit-akit pakinggan, kundi ng mga polisiyang balanseng tumutugon sa pangangailangan ng manggagawa at kakayahan ng ekonomiya. Dahil kapag nagkamali, ang unang maaapektuhan ay hindi ang mga politikong tulad ni San Fernando subalit mismong ang manggagawang nais sanang tulungan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here