WALA nang bago sa eksenang nasaksihan ng inyong lingkod sa kahabaan ng Rizal Avenue mula sa Tambunting hanggang R.Papa sa Maynila kung saan bagaman maayos pa ang kalsada ay binakbak upang lagyan ng aspalto.
Sa iba’t ibang kalsada ng lungsod, paulit-ulit na isinasagawa ang pagbakbak ng maayos na kalsada, aaspaltuhin at muling babakbakin na tila walang malinaw na katapusang proyekto.
Kapansin-pansin na matapos lagyan ng bagong aspalto ang isang kalsada, ilang araw o linggo lamang ang lilipas ay sisirain na naman ito upang ilabas o itaas ang mga manhole. Ang resulta ay doble-gastos, doble-abala, at walang katapusang trapik.
Sa bawat proyektong ito, tila walang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya at kontratista na dapat sana’y magkatuwang sa iisang layunin—maayos at ligtas na imprastraktura.
Hindi maikakaila na magkaiba ang contractor sa bawat yugto ng proyekto. Nasaan kaya ang pamahalaang dapat nagbabantay sa kabuuang plano? Kung may maayos na scheduling at koordinasyon, bakit kailangang sirain ang bagong gawa para lamang itama ang dapat ay naunang isinagawa?
Mas nakababahala ang kalagayan ng mga manggagawa sa mga proyektong ito na noong nakaraang linggo lang naganap sa Rizal Avenue. Sa kabila ng panganib sa kalsada tulad ng alikabok, mabibigat na kagamitan, at dumadaang sasakyan ang karamihan sa mga gumagawa ay nakatsinelas lamang at walang sapat na personal protective equipment. Hard hat lang ang PPE na kadalasang suot, habang kulang sa safety vest, gloves, at tamang sapatos. Ito ay malinaw na paglabag sa basic safety standards at nagpapakita ng kakulangan sa pangangalaga sa kapakanan ng mga obrero.
Sa ganitong sistema, sino ang tunay na nakikinabang? Ang publiko na nagbabayad ng buwis ay patuloy na naaabala at nalalagay sa alanganin, habang ang mga proyekto ay tila nauuwi sa paulit-ulit na pagkukumpuni sa halip na pangmatagalang solusyon.
Ang isyu ay hindi lamang tungkol sa sirang kalsada, kundi sa sirang sistema ng pamamahala at implementasyon. Kung walang malinaw na koordinasyon, pananagutan, at pagsunod sa safety standards, mananatiling ganito ang sitwasyon—proyektong inuulit, pondong nasasayang, at buhay ng manggagawa na nasa panganib.
Panahon na upang wakasan ang ganitong kalakaran. Hindi dapat maging normal ang paulit-ulit na pagkasira ng bagong gawa. Ang totoo, ang binabakbak ay hindi lamang kalsada—kundi ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.






