Home OPINION NGANGA!

NGANGA!

183
0

NAHAHARAP tayo sa parating na pandaigdigang pagbagsak ng ekonomiya bunga ng matinding krisis na resulta ng digmaan sa Gitnang Silangan

At dahil diyan, hilong-talilong ang ating pamahalaan sapagkat hindi ito nakahanda sa mangyayari. Nagkukunwaring kumikilos ang gobyerno para magmukhang mayroon itong ginagawang solusyon.

Halimbawa, iminungkahi ng Department of Agriculture ang price cap sa bigas. Ginawa na ito dati nang ilang beses ngunit humahantong lamang sa kakulangan ng supply.

Minamadali rin ang batas upang isuspinde ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga excise tax sa gasolina. Mapabababa nga nito nang bahagya ang presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo ngunit mawawala ang malaking kita ng gobyerno na maaaring magamit laban sa epekto ng paparating na krisis sa ekonomiya.

Sa huli, ang pandaigdigang suliranin pa rin, lalo ng Pilipinas ay ang pagkakaroon ng supply ng gasolina.

Nagkandarapa ang ilang ahensya ng gobyerno sa pamamahagi ng mga subsidiya. Ngunit kung ang problema sa ekonomiya ay mas magtatagal pa, ang mga subsidiya ay magiging walang silbi.

Ito ay panakip-butas lamang sa pagkainutil ng gobyerno para lumitaw na may ginagawa ito sa suliranin ng mamamayan.

Ang Department of Trade and Industry na dapat gumagawa ng makabuluhan at sistematikong paraan para matugunan ang napipintong krisis ay “cosmetic solution” lamang ang naiisip.

Iminungkahi ng DTI na suspendihin ang mga bayarin sa pantalan upang makontrol ang mga gastos sa logistic pero walang komprehensibong planong titiyak sa paggalaw ng mahahalagang kalakal sa buong kapuluan upang maiwasan ang kakulangan at taggutom. Kailangan ng plano at aksyon para labanan ang hoarding, profiteering at panic-buying.

Pero ang ginagawa ng gobyerno ay mga “pampulitikang palabas” gaya nang pakiusap sa mga pribadong tollway operator na itigil ang pagkolekta ng singil sa mga sasakyang pang-deliver ng mahahalagang produkto.

Ang ganitong panukala ay lalo lamang nagdaragdag ng pinsala sa mas mahabang panahon. Humahataw na ang krisis at lalo nitong iginugupo ang mga mahihirap.

Nakalulungkot na sadyang hindi handa rito ang ating gobyerno. Ang tawag nga natin dito katotong Paul Gutierrez eh nganga!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here