Home OPINION HINDI NORMAL KUNDI ABNORMAL

HINDI NORMAL KUNDI ABNORMAL

148
0

HINDI na dapat magbitiw si Pangulong Bongbong Marcos ng salitang “normal” ang nagaganap sa bansa na bunga ng krisis sa langis na nag-ugat sa digmaang United States-Israel laban sa Iran.

Abnormal na ang lahat at hindi na normal ang taong magsasabing normal pa rin ang lahat.

Mabuti pa ang Senado na nagsabing kritikal na ang kalagayan ng bansa sa suplay at presyo ng mga produktong petrolyo kaya kailangan na ang deklarasyon ng state of emergency lalo’t nagbubunga na ito ng iba’t ibang krisis, lalo na sa presyo ng mga bilihin.

Ang Kamara naman, naaadik at nababangag ang mga ito sa kung paano i-impeach si Vice President Sara Duterte at pulitika hanggang 2028 ang laman lamang ng utak ng mga ungas na ito.

Sa state of emergency, pwede na bang pakialaman ng gobyerno ang Oil Deregulation Law na nagbabawal sa gobyerno na makialam sa pagpepresyo ng lahat ng produktong petrolyo at pagsasapribado sa Petron na dating pag-aari ng gobyerno para walang makikialam sa presyuhan ng krudo at produktong petrolyo?

Pwede na rin bang bawasan o ganap na alisin ang excise tax na P10 kada litro ng gasolina, P6 sa diesel, P3 sa kerosene at P3 sa bawat kilo ng liquified petroleum gas, at isama na ang 12% value added tax sa langis?

Dapat talagang mabilis na mag-isip at umaksyon ang pamahalaan para lahat ay magkaroon ng paggaan ng kalagayan dahil hindi na lang ang mga tsuper at operators sa transportasyon ang nahihirapan.

Sa presyo ng mga bilihin nagiging biktima ang lahat na sobra na rin ang taas sa kabila nang pagsasabi ng gobyerno na normal ang presyo rito dahil maging ang mga delata, processed food at katulad ng mga ito ay nagmamahal na rin.

Kung kinakailangan ang isang batas para sa state of emergency, aba, dapat isertipika ito ng Pangulo na urgent ang panukala para rito at tiyak namang susunod ang Kongreso na magpasa nito sa pinakamabilis na panahon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here